NBA: NO. 1 PICK RISACHER PUMIRMA NA SA HAWKS

PINAPIRMA na ng Atlanta Hawks si Zaccharie Risacher, ang No. 1 pick ng NBA Draft ngayong taon.

Alinsunod sa team policy, wala nang iba pang detalye na ibinigay. Sa pagtaya ng Spotrac, si Risacher ay pumirma sa 4-year, $57.2 million contract.

Si Risacher — ipinanganak sa Spain subalit lumaki sa France — ay huling naglaro para sa JL Bourg-en-Bresse ng LNB Elite, ang premier division ng professional basketball ng France.

Sa 32 games noong nakaraang season, si Risacher ay may average na 10.1 points, 3.8 rebounds at 0.9 assists para sa JL Bourg. Ang 19-year-old ay may taas na 6-foot-9 at timbang na 195 pounds sa draft combine noong Mayo.

“So exciting. There’s a lot of feelings and emotions right now,” pahayag ni Risacher sa ESPN makaraang maging unang No. 1 draft pick ng Hawks magmula noong 1975. “I don’t know what to say, but … I’m so blessed.”