SA IKALAWANG sunod na araw ay kinansela ang NBA playoff games kahapon kasunod ng pagboykot ng Milwaukee Bucks subalit kumpiyansa ang liga na maipagpapatuloy ang mga laro sa weekend makaraang magkasundo ang mga player na ipagpatuloy ang season.
Isang araw makalipas ang drama sa loob ng NBA bubble sa Orlando, ang kapalaran ng season ay naiwang nakabitin kasunod ng ‘no show’ ng Bucks bilang protesta sa pamamaril ng pulisya kay African American Jacob Blake sa Kenosha, Wisconsin noong Linggo.
Napilitan ang NBA na kanselahin ang tatlong playoff games noong Miyerkoles (Huwebes sa Manila) matapos ang unprecedented boycott mg Milwaukee.
Sa isang pagpupulong ng mga player mula sa lahat ng koponan noong Miyerkoles ng gabi, nagpasiya si LeBron James at ang Los Angeles Lakers, at ang Los Angeles Clippers, na abandonahin ang season.
Gayunman sa panibagong pag-uusap ng mga player, kasama ang mga koponan, kahapon ng umaga ay nagkasundo sila na ipagpatuloy ang season. Sumang-ayon naman umano si James at ang Lakers sa naturang desisyon.
Sa isang statement matapos ang NBA Board of Governors meeting, sinabi ng liga na maaaring ipagpatuloy ang mga laro sa Biyernes (Sabado) sa Manila.
“NBA playoff games for today (Thursday) will not be played as scheduled,” wika ni league executive vice-president Mike Bass.
“We are hopeful to resume games either Friday or Saturday.”
Comments are closed.