NBA: ‘SLAM DUNK’ KING SI TOPPIN

NAGWAGI si Obi Toppin ng New York Knicks sa NBA All-Star Weekend’s Slam Dunk competition Linggo ng gabi sa Cleveland.

Magaan na nadominahan ni Toppin ang kumpetisyon kung saan tinalo niya si Juan Toscano-Anderson ng Golden State Warriors sa finals.

Si Toppin, naglaro sa college para sa Dayton, ay nakalikom ng kabuuang 45 points sa kanyang unang dunk sa finals

Nagtala si Anderson ng iskor na 39 at pagkatapos ay nabigong makumpleto ang ikalawang dunk kaya nakopo ni Toppin ang titulo bago pa man ang kanyang ikalawang attempt sa huling  round.

Siya ang ikatlong Knick na naghari sa dunk competition.

Nakumpleto ni Anderson ang kanyang unang  dunk sa first round sa paglundag sa ibabaw ni Golden State teammate Andrew Wiggins.

Nakakolekta si Jalen Green ng Houston Rockets ng 83 points sa  preliminary para sa third place. Ang ikalawang dunk ni Green ay nagbigay sa kanya ng 45 points, na siyang pinakamataas na iskor sa anumang dunk sa kumpetisyon nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Pumang-apat si Cole Anthony ng Orlando Magic na may 70 points. Tinawag niya ang kanyang amang si dating NBA player Greg Anthony para hawakan ang bola sa kanyang unang dunk. Nabigo si Anthony na makumpleto ang ikalawang dunk.

3-Point Contest

Inangkin ni Karl-Anthony Towns ang 3-Point Contest title.

Isa itong record point total para sa isang final round nang magtala si Towns, na naglalaro para sa Minnesota Timberwolves, ng 29 points.

Tinalo ni Towns sina Trae Young ng Atlanta Hawks at Luke Kennard ng Los Angeles Clippers sa final round. Kapwa nagtala sina Young at Kennard ng  26 points.

Lumahok din sa 3-point shootout sina CJ McCollum, Zach LaVine, Desmond Bane, Fred VanVleet at Patty Mills.