NBI PASOK SA P6.4 BILYONG SMUGGLED SHABU

Spokesman-Atty-Ferdinand-Lavin

BUMUO na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng Task Force na naatasang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa umano’y 6.4 bilyong pisong shabu na naipuslit matapos maitago sa apat na magnetic lifters na natagpuan sa General Mariano Alvarez sa Cavite.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni NBI deputy director at Spokesman Atty. Ferdinand Lavin na mahigpit ang direktiba sa kanila ni Justice Secretary Menardo Guevarra na gawing malaliman ang imbestigasyon upang matukoy ang puno’t dulo ng kontrobersiya.

Ayon kay Lavin, gagawin nila ang kanilang trabaho nang malaya at hindi magpapadala sa anumang pressure sa harap ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ispekulasyon lamang ang pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sinabi ni Lavin na ibabase nila sa ebidensiya ang kanilang gagawing pagsisiyasat gamit ang forensic procedures upang madetermina kung may nakalusot nga bang ilegal na droga o sadyang ispekulasyon lang ang naging pahayag ng PDEA.

Magugunita na sinisisi ni PDEA director general Aaron Aquino ang mga tiwaling tauhan ng Bureau of Customs na may kinalaman  sa pinaniniwalaang smuggling na naman ng shabu sa bansa.

Ayon sa PDEA nang ila­pit ang K9 dogs sa mga naturang magnetic lifters ay inu­puan ang mga ito na anila’y senyales na may droga sa loob.

Gayunman naninindigan ang PDEA na ang mga natu­rang magnetic lifters ay kinargahan ng umano’y tinatayang isang toneladang shabu tulad ng naunang magnetic lifters na nasabat sa Manila International Container Terminal na may kargang 355 kilos ng shabu.

Samantala, iniulat din ni Lavin na mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hulyo 31, 2018 ay  aabot sa 105,658 joint  anti-illegal drugs operations ang naisagawa ng  pinagsanib na puwersa ng PDEA, PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies.

Base sa datos, aabot sa 152,123 drug personalities ang naaresto sa nabanggit na panahon at kabuuang 569 government workers kabilang ang 268 government employees, 243 elected officials at 58 uniformed personnel ang humarap sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comperehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ayon pa kay Lavin, may kabuuang 1,258 menor de edad ang nailigtas at nai-turn-over sa iba’t ibang local social welfare offices.

Aabot naman sa 2,755.77 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng  14.79 bilyong piso ang nakumpiska ng PDEA at iba pang law enforcement agencies sa buong bansa, drug-clearing operations sa 8,215 barangays mula sa kabuuang 42,044 barangays sa bansa at pagwasak sa may 221 drug dens sa nabanggit ding panahon. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.