NBI PROBE SA BIG CASES OK SA PNP

CAMP CRAME – WELCOME sa pamunuan ng Philippine National Police na magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation sa mga malala­king kaso.

Sa pahayag ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, welcome sa kanila ang pagsasagawa ng parallel investigation ng NBI sa high profile cases.

Sinabi pa ng PNP chief, na mas maka­bubuti kung magiging magkatuwang sila ng NBI sa pag-iimbestiga dahil hindi lamang isang source ang pagmumulan ng resulta ng imbestigasyon.

Kamakailan ay nagpahayag ng interes ang NBI na tumulong sa pag-imbestiga sa kaso ni Fr. Richmond Nilo, ang parish priest na pinatay habang nagmimisa sa lalawigan ng Nueva Ecijia.

Hindi lamang sa kaso ni Fr. Richmond Nilo kundi maging ang kaso ng napatay na si dating Rep. Eufranio ­Eriguel ng La Union.

Ayon kay Albayalde, wala naman problema kung mag-iimbestiga rin ang NBI.

Dagdag pa ni PNP chief, sa ngayon kailangan nila ng kooperasyon lalo na sa pagresolba sa mga tinaguriang high profile na mga kaso.

Giit ni Albayalde na nais din nilang tuldukan ang isyu na professional ­jealousy sa pagitan ng PNP at NBI.

Aniya, panahon na para magtulu­ngan ang dalawang ahensiya dahil ito ang kailangan ng bayan.

“Sabi ko nga done were the days na parang may konting professional jea­lousy between the PNP and NBI, wala na ngayon ‘yun. What we need now is full cooperation and full collaboration between our agency and the NBI, because we all want justice dito, iisa ang gusto natin, iisa ang goal natin dito to give justice to this victims especially Father Nilo,” pahayag ni Albayalde.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.