NIYANIG ng malakas na pagsabog kahapon ang New Bilibid Prison (NBP) kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.
Sa report kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Guillermo Eleazar, nangyari ang malakas na pagsabog dakong alas-10:00 kahapon ng umaga habang nagsasagawa ng clearing operations sa Quadrant 4 ng maximum security compound (MSC) sa NBP.
Pahayag ni Eleazar na ang ginamit na pampasabog sa Quadrant 4 ay ang improvised explosive device o IED kung saan nakakulong ang mga miyembrong bilanggo ng Abu Sayyaf at Maute group.
Wala namang naiulat na namatay o nasugatan sa naturang pagsabog.
Sa isang panayam, sinabi ni NBP spokesman Major Alberto Tapiru na kanila pang iniimbestigahan kung papaano nakapasok ang IED na sumabog sa maximum security compound.
“Hindi pa namin tukoy pa kung saan nanggaling ‘yung pinasabog,” ani Tapiru.
Dagdag pa ni Tapiru, may posibilidad na ang pagsabog ay isang reaksiyon ng mga bilanggo dahil sa isinagawang demolisyon.
“Hindi namin alam ang kanilang iniisip. Siguro pinapabayaan nila kami pero nagtanim sila ng IED,” aniya pa.
Napag-alaman din sa ulat ng NCRPO na dalawang granada at dalawang blasting caps ang narekober sa mga kubol na malapit sa lugar na pinagsabugan ng IED.
Matatandaan na sunod-sunod ang naging clearing operations na isinagawa sa loob ng NBP at ang huli ay noong Martes kung saan pinagbabaklas ang mga ilegal na estruktura kabilang ang mga ‘kubol’ ng mga maimpluwensiyang bilanggo.
Sa naturang clearing operations ay nakakumpiska ang awtoridad ng ilegal na droga, sex toys, pinagbabawal na appliances at ‘di pa malamang halaga ng pera. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.