Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
12 noon – JRU vs San Beda (Men)
2 p.m. – Letran vs Arellano (Men)
4 p.m. – EAC vs LPU (Men)
SISIKAPIN ng San Beda at Lyceum of the Philippines University na masikwat ang ikalawang sunod na panalo sa magkahiwalay na laro sa NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Makakasagupa ng four-peat seeking Red Lions ang Jose Rizal University Bombers sa alas-12 ng tanghali, habang makaka-bangga ng Pirates ang Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-4 ng hapon.
Sisikapin naman ng Letran at Arellano University na makabawi mula sa kani-kanilang season-opening losses sa ikalawang laro ng tripleheader sa alas-2 ng hapon.
Ang Bombers at Generals ay kabilang sa bottom teams noong nakaraang taon, at tila mangungulimlim na naman ang kanilang kampanya ngayong season base sa kani-kanilang ipinakita noong Martes.
Bagama’t pinapaboran laban sa JRU at EAC, nais makita ni San Beda coach Boyet Fernandez at ng kanyang LPU counterpart na si Topex Robinson ang kanilang improvement sa kaagahan ng season.
Umaasa si Fernandez na ang pagkasabik na naramdaman ng Red Lions sa 59-46 paglampaso sa Chiefs noong Linggo – ang kanilang ika-14 sunod na season-opening win magmula noong 2006 – ay mapapawi laban sa bagitong Bombers.
“Masyadong excited talaga ang mga bata, kaya pagbigyan na natin. At least nalampasan namin itong first game, itong opening,” wika ni Fernandez.
“Sana it will be a different San Beda, which is a very poised team in terms of execution and defensive schemes. Eventually we’ll be settling down, hopefully as the games go on, we’ll play more as a team,” dagdag pa niya.
Wala namang plano si Robinson na madaliin ang pagbabalik sa aksiyon ni injured Camerooniam center Mike Nzeusseu.
Sa maliit na roster ng Pirates, magkakasya na lamang si Robinson sa kung ano ang mayroon siya ngayon upang matikas na simulan ang season tulad ng ginawa nila sa nakalipas na dalawang seasons.
“Crying over not having our big man in our team is really not in our minds right now,” pahayag ni Robinson sa kanilang 84-80 panalo kontra Knights noong Linggo.
“We’re a young team, also, besides being a small team. So there’s gonna be a lot of challenges along the way but what’s important is what’s in front of us,” dagdag pa niya.