NCAA: ALTAS, CARDINALS SASALO SA LIDERATO

\\Standings         W   L

Letran                  2     0

San Beda             2     0

Perpetual             1     0

Mapua  1     0

CSB                       1     1

Arellano               1     1

SSC-R     0     1

JRU                       0     1

EAC                       0     2

LPU                       0     2

Mga laro ngayon:

(La Salle Greenhills Gym)

12 noon – Perpetual vs SSC-R

3 p.m. – JRU vs Mapua

TARGET ng University of Perpetual Help System Dalta at  Mapua na makisosyo sa liderato sa magkahiwalay na laro sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Biyernes sa La Salle Greenhills Gym.

Makakasagupa ng  Altas ang San Sebastian sa alas-12 ng tanghali, habang makakabangga ng Cardinals ang Jose Rizal University sa alas-3 ng hapon.

Sisikapin ng  Perpetual at Mapua na maipuwersa ang four-way logjam kasama ang titleholder Letran at  San Beda sa 2-0.

Naging mainit ang simula ni first-year coach Myk Saguiguit makaraang maitakas ng  Altas ang 77-56 panalo kontra  Bombers noong Martes, sa pangunguna nina holdovers Kim Aurin at Jielo Razon.

“On the performance of the veterans – ‘yung nakita ninyo kanina, iyan talaga sila. Ang tingin ko talagang magiging consistent iyan dahil they are very ready for this Season 97,” sabi ni Saguiguit.

Determinadong makabalik sa Final Four makaraang mabigo noong  2019, ang Perpetual ay kakayod nang husto sa roster na mayroon ngayon si Saguiguit.

“Hindi kami malakas na team, kumbaga lahat dapat ‘yan pag-aralan. Dapat i-take talaga na parang championship kasi hindi ko nakikita na malakas ‘yung team ko. Gusto lang din talaga nilang maglaro kaya ganyan ang nakita nila ngayong first game,” ani Saguiguit.

Tatangkain ng Stags na makabawi mula sa  63-65 pagkatalo sa Arellano University, kung saan nabigo ang  Recto-based squad na samantalahin ang pagkawala ni big man Justin Arana sa final minute.

Batid ni coach Randy Alcantara na kailangang humanap ng paraan ang Cardinals para malabanan ang kakulangan sa laki at makausad sa Final Four.

“’Yung defense namin. Sa line-up namin, nakita mo naman, ‘yung gitna namin kailangan naming tumibay dahil lahat siguro malalaki ang kalaban namin. Lumalabas si Warren (Bonifacio) lang ang pinaka-center namin,” sabi ni Alcantara matapos ang season-opening 73-67 win ng Mapua laban sa Emilio Aguinaldo College.

Hindi tulad noong nakaraang season, kung saan kinapos ang Cardinals sa kanilang kampanya sa kabila ng malakas na second round showing, binigyang-diin ni Alcantara ang pangangailangan na kumayod nang husto dahil sa competition format ngayong taon.

“We have to treat every game as playoffs, parang kailangang-kailangan talaga. So anuman ang mangyari sa resulta, ibigay ninyo lang ang best ninyo,” ani lcantara.

Hindi maaaring magkampante ang Mapua dahil determinado ang JRU na bumawi mula sa 21-point loss kontra Perpetual.