Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 n.n. – Mapua vs SSC
2:30 p.m. – Lyceum vs CSB
SISIKAPIN ng De La Salle-College of Saint Benilde na makabalik sa win column ng NCAA men’s basketball tournament sa pagharap sa streaking Lyceum of the Philippines University ngayong Biyernes sa Filoil EcoOil Centre.
Nakatakda ang salpukan ng Blazers at Pirates sa alas-2:30 ng hapon matapos ang bakbakan ng Mapua Cardinals at San Sebastian College Stags sa alas-12 ng tanghali.
Nalasap ng Blazers ang kanilang unang kabiguan sa season nang kapusin sa Colegio de San Juan de Letran, 69-71, habang ang Pirates ay nasa three-game winning streak.
“We need to play some good defense, be smarter and execute our offense,” wika ni Benilde head coach Charles Tiu hinggil sa kanilang darating na laro kontra Pirates.
“Lyceum is the best offensive team right now so we need to find ways to stop them. Other guys have to step up too.”
Sa kabila ng pagkatalo ay hawak pa rin ng St. Benilde ang solong liderato na may 4-1 kartada, kasunod ang Perpetual Help (4-2), Letran (4-2), nagdedepensang San Beda (3-2), Lyceum (3-2), Mapua (3-2), Emilio Aguinaldo College (2-4), San Sebastian (2-4), Jose Rizal (2-4) at Arellano (1-5).
Galing ang Pirates sa 96-81 panalo kontra last season’s runner up Mapua.
Ang nasabing pagkatalo sa Lyceum ang pumutol sa three-game winning streak ng Mapua na muling sasandal kina Clint Escamis, Chris Hubilla at Jeco Bancale.
Sasandig naman ng Baste, na sunod-sunod ang pagkatalo, kina Paeng Are, Shawn Orgo, Nico Aguilar at Harold Ricio.