NCAA: BARBA, LIWAG, ESTRADA NANGUNGUNA SA STATS

MATAPOS ang isang buwang mainit na bakbakan, inangkin ng College of Saint Benilde ang solong liderato sa NCAA men’s basketball tournament na may 7-2 kartada matapos ang first round.

Nakabuntot ang San Beda University, Mapua University, at Colegio de San Juan de Letran na may magkakatulad na 6-3 marka, kasunod ang University of Perpetual Help System DALTA, Emilio Aguinaldo College, at Lyceum of the Philippines University, na pawang may 4-5 records.

Ang Jose Rizal University at Arellano University ay kapwa may 3-6 marka habang nasa ilalim ng standings ang San Sebastian College-Recoletos na may 2-7.

Nangunguna si Pirates veteran shooter John Barba sa scoring na may average na 19.78 points per game matapos ang mainit na opensa sa siyam na laro, tampok ang career-high outing at dalawang magkasunod na 25-point outbursts.

Ang fourth-year na si Barba ay minsang nagpakawala ng career-best 28 points upang pangunahan ang kanilang 97-92 panalo kontra JRU bago bumanat ng back-to-back 25 points kontra Arellano at Mapua.

Pumapangalawa si reigning MVP Clint Escamis ng Mapua na may 17.44 points, kasunod sina Paeng Are ng San Sebastian, Jimboy Estrada ng Letran, at Joshua Guiab ng JRU na may 16.33, 16.0, at 15.56, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Samantala, bumabandera si Allen Liwag ng Benilde sa rebounding department na may 12.67 boards kada laro, habang kumalawit si Tristan Felebrico ng Stags ng 8.22 rebounds upang maging second best rebounder.

Kuminang din si Estrada sa nasabing department na may 7.89 rebounds sa third spot, kasunod ang San Beda duo nina Jomel Puno at Yukien Andrada, na kapwa nakakolekta ng 6.78 boards sa siyam na laro.

Nangunguna rin si Estrada sa assists, kasama si seasoned LPU guard Greg Cunanan, na may 5.0, kasunod si Are na may 4.78 dimes. Si Are ay bumabandera rin sa steals department na may 2.67 kada laro.

Isa pang Letran star ang nakapasok sa leaderboard sa katauhan ni third-year big man Kevin Santos na may league-best 2.67 blocks kada laro, sumusunod si Ivan Panapanaan ng JRU na may 1.56 rejections.