Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – CSB vs SSC-R (Men)
4 p.m. – Perpetual vs LPU (Men)
MAGHIHIWALAY ng landas ang College of Saint Benilde at San Sebastian, habang puntirya ng Lyceum of the Philippines University ang solo second sa pakikipagtipan sa University of Perpetual Help System Dalta sa NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Tabla ang Blazers at Stags sa fourth place sa 6-3, at ang mananalo sa 2 p.m. contest ay magkakaroon ng isang larong bentahe sa karera para sa huling Final Four berth.
Nakatakda naman ang sagupaan ng Pirates at Altas sa alas-4 ng hapon.
Makaraang simulan ang season na may limang sunod na panalo, ang St. Benilde ay natalo ng tatlo sa kanilang huling apat na laro, dahilan para kuwestiyunin ang kakayahan nito na umusad sa susunod na round.
Nakabawi naman ang San Sebastian mula sa three-game slide sa pagwawagi ng apat na sunod upang manatili sa kontensiyon para sa isang puwesto sa Final Four.
Masaya si coach Egay Macaraya at nagtutulungan ang kanyang tropa upang makabalik sa top four.
“’Yun ang key ng mga panalo namin. Everybody is contributing, knowing their roles,” wika ni Macaraya.
Comments are closed.