NAG-INIT ang Mapua University sa 3-point area sa fourth quarter upang maitakas ang 75-65 panalo kontra Lyceum of the Philippines University sa NCAA men’s basketball tournament nitong Miyerkoles sa La Salle Greenhills Gym.
Sa panalo ay tinapos ng Mapua ang elimination round sa 7-2 sa likod ng four-game winning streak at pinalakas ang kanilang tsansa na magtapos sa top two.
Nagtapos naman ang Lyceum sa 2-7 para tuluyang masibak sa torneo.
Umiskor sina Paolo Hernandez at Toby Agustin ng tig-13 points upang pangunahan ang Mapua. Nagbigay rin si Hernandez ng team-high 5 assists at gumawa ng 2,steals habang nagsalpak si Agustin ng tatlong triples.
Nagdagdag si Brian Lacap ng 12 points, 7 rebounds, 3 assists at 3 steals para sa Cardinals habang tumipa si Arvin Gamboa ng double-double na 10 points at 11 rebounds.
Hihintayin na lamang ng Mapua ang resulta ng laro sa pagitan ng archrivals San Beda University at Colegio de San Juan de Letran sa Biyernes. Ang pagkatalo ng Red Lions ay opisyal na magbibigay sa Cardinals ng top two-seed, na may kaakibat na twice-to-beat advantage sa Final Four.
Naghahabol ng dalawang puntos sa half, 34-32, sumandal ang Mapua kay Hernandez na sinindihan ang 9-0 run sa pagsisimula ng third quarter para sa 41-34 lead. Gayunman, isang triple ni Renzo Navarro ang nagdikit sa Lyceum sa 46-45.
Tinapos ng Mapua ang frame na angat ng anim na puntos, 53-47, kung saan nagsalpak si Joaquin Garcia, na hindi nakaiskor sa first half, ng triple upang sindihan ang 9-0 blitz.
Nanguna si Ato Barba para sa Pirates na may 16 points habang nagdagdag si Omar Larupay ng 15 points, 14 rebounds, 2 steals, at 2 blocks.
Sa ikalawang laro ay muling nagtala si Justin Arana ng double-double upang pangunahan ang Arellano University kontra Jose Rizal University, 65-62, sa kanilang huling elimination round game.
Tinapos ng Chiefs ang elimination round na may 4-5 record, at nakasiguro na ng puwesto sa play-in tournament. Nahulog naman ang Heavy Bombers sa 1-8 at sibak na sa kontensiyon.
Iskor:
Mapua (75) – Hernandez 13, Agustin 13, Lacap 12, Gamboa 10, Garcia 9, Nocum 6, Bonifacio 5, Asuncion 3, Pido 2, Mercado 2, Salenga 0.
Lyceum (65) – Barba 16, Larupay 15, Remulla 8, Cunanan 7, Navarro 6, Bravo 5, Guadana 4, Garro 3, Abadeza 1, Jabel 0, Valdez 0, Guinto 0.
QS: 15-17, 32-34, 53-47, 75-65.
Ikalawang laro:
Arellano (65) – Arana 18, Doromal 13, Sablan 11, Sta. Ana 7, Oliva 6, Concepcion 3, Valencia 2, Caballero 2, Carandang 2, Cruz 1, Steinl 0.
JRU (62) – Agbong 16, Dionisio 11, Macatangay 9, Delos Santos 8, Arenal 7, Celis 7, Guiab 4, Jungco 0, Bongay 0, Aguado 0, Estrella 0, Aguilar 0, C. Gonzales 0, dela Rama 0.
QS: 20-17, 34-28, 53-46, 65-62.