NAKOPO ng defending men’s champion College of St. Benilde at San Beda University ang Final Four spots at twice-to-beat bonus makaraang magtapos sa 1-2 sa NCAA Season 95 chess tournament noong Sabado sa San Beda campus.
Tinapos ng CSB ang ninth round na may league-best 26.5 points kasunod ng 3-1 pagbasura sa Mapua, habang hindi nalalayo ang San Beda na may 26 points matapos ang 4-0 pagdispatsa sa Jose Rizal University.
Pinataob naman ng University of Perpetual Help System DALTA ang Emilio Aguinaldo College, 3.5-.5, upang magtapos sa ikatlong puwesto na may 20 points, habang naungusan ng Arellano University ang Letran, 2.5-1.5, upang kunin ang No. 4 spot na may 17 points.
Sa semifinals ay kailangan lamang ng St. Benilde at San Beda na manalo ng isang beses upang umabante sa Finals. Susunod na makakaharap ng Blazers ang Chiefs, habang makakasagupa ng Red Woodpushers ang Altas sa crossover semifinals sa Linggo, habang ang championship round ay lalaruin sa Miyerkoles.
Sa junior’s action, ginapi ng titleholder Perpetual Help ang EAC, 3-1, upang magtapos sa No. 1 na may 28.5 points, habang nakalikom ang San Beda ng 27.5 kasunod ng 4-0 panalo laban sa JRU.
Makakabangga ng Junior Altas ang No. 4 Arellano sa semifinals, habang magpapambuno ang Junior Red Woodpushers at No. 3 Lyceum of the Philippines University sa isa pang pairing.
Tangan ng Perpetual Help at San Beda ang twice-to-beat incentives sa Final Four.