Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
9 a.m. – Benilde vs LPU (Battle for 3rd)
12:30 p.m. – Awarding Ceremony
2 p.m. – San Beda vs Mapua (Finals, Game 2)
UMAASA ang Mapua University na matuldukan ang 32-year title drought sa pagsagupa sa San Beda University sa Game 2 ng NCAA Season 99 men’s basketball finals ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena.
Nakatakda ang salpukan sa alas-2 ng hapon kung saan target ng Cardinals na masundan ang panalo sa Game 1 habang pipilitin ng Red Lions na maipuwersa ang rubber match.
Sinamantala ng Mapua ang one-week break, kung saan pinag-aralan nito ang estilo ng San Beda na sa huli ay nagbunga nang maitala ng tropa ni head coach Randy Alcantara ang 68-63 panalo sa opener upang lumapit sa kanilang unang titulo magmula noong 1991 noong nakaraang Miyerkoles.
Habang nakatutok ang lahat kay presumptive MVP Clint Escamis, gayundin kina veterans Warren Bonifacio at Paolo Hernandez, ang rookie-sophomore duo nina Peter Rosillo at Marc Cuenco ay nag-step up para sa Cardinals.
Binalikat ni Rosillo, dating Adamson high school standout, ang responsibilidad sa pagbabantay kay San Beda star Jacob Cortez na nalimitahan sa 12 points lamang sa 3-of-17 mula sa field habang umiskor ng 15 points para kanyang koponan bukod sa 7 rebounds, 2 assists, at 2 steals.
Samantala, gumawa si Cuenco ng 4 points, 6 boards, 3 assists, at 1 steal upang bigyan ng sapat na suporta ang kanilang main guys.
Bagama’t nakakuha ng suporta mula sa lahat, nagbabala si graduating team captain Bonifacio sa kanyang teammates na hindi pa tapos ang kanilang trabaho, at binigyang-diin na siguradong reresbak ang Red Lions.
“Dahil may isang game pa na kailangan, hindi pa kami gano’ng kasaya dahil hindi pa naman tapos eh so ‘yung pressure andiyan pa rin. Hindi pa natatapos ‘yung series,” sabi ni Bonifacio.
“Kailangan mas gutom kami na manalo kasi enough motivation na ‘yung 32 years para sa Mapua. Kailangan ibigay na namin ‘yung lahat, especially ako.”