Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
2 p.m. – SSC-R vs Perpetual
4 p.m. – Arellano vs EAC
BIGLANG naging contender ang Emilio Aguinaldo College sa first round ng NCAA men’s basketball tournament.
Sa pangunguna ni rookie coach Jerson Cabiltes, napantayan na ng Generals ang kabuuang panalo noong nakaraang season sa loob lamang ng limang laro.
Kasalo ngayon ang traditional powerhouse San Beda sa fourth place sa 3-2, ang EAC ay determinado na makamit ang breakthrough Final Four na hindi pa nito nagagawa magmula nang lumahok sa liga noong 2009.
Noong Miyerkoles ay nagawa ng Generals ang isang bagay na hindi pa nagagawa ng ibang koponan sa Season 99.
Ipinalasap ng EAC sa league-leading Lyceum of the Philippines University ang una nitong kabiguan sa pamamagitan ng 83-76 overtime win.
Sa kabila ng impresibong panalo, minaliit ni Cabilles ang pagdungis sa malinis na marka ng Pirates at itinuring lamang ito na isang ordinaryong laro.
Para kay Cabiltes, isang record lamang ang mahalaga para sa long-suffering Generals.
“I’m not here to break any record of them,” ani Cabiltes.
“The winning streak or anything, losing streak para sa Letran or losing streak para sa amin. Isa lang ‘yung streak na tinitingnan ko, and that’s making it to the Final Four. We will work hard in order to get there,” dagdag pa niya.
Susunod na makakasagupa ng Generals ang Chiefs, na target ang kanilang unang winning streak sa season, ngayong alas-4 ng hapon sa Filoil EcoOil Centre.
Magsasalpukan ang San Sebastian at Perpetual sa unang laro sa alas-2 ng hapon.