NCAA: LADY BLAZERS KUMAKATOK SA FINALS

(C)Mycah Go NCAA-GMA PHOTO

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
12 noon – San Beda vs JRU
2:30 p.m. – SSC-R vs LPU

LUMAPIT ang College of Saint Benilde sa pagkopo ng outright Finals berth kasunod ng 25-14, 25-12, 25-18 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Batid ni Jade Gentapa, nanguna sa Lady Blazers na may 15 points, kabilang ang 2 blocks, na hindi sila maaaring magkampante makaraang mapalawig ang kanilang perfect run sa walong laro.

“’Yung kalaban na lang namin is ‘yung mga sarili namin,” sabi ni Gentapa matapos ang one-hour, six-minute contest.

Sisikapin ng CSB na dumiretso sa best-of-three championship round sa panalo kontra titleholder Arellano University sa Sabado.

Sa Battle of Intramuros, ginulantang ng Letran, naglaro na walang pressure, ang Mapua, 25-17, 25-21, 25-18.

Ang pangunahing alalahanin ni coach Jerry Yee ngayon ay kung paano mananatiling nakapokus ang Lady Blazers sa kanilang laro papasok sa pinakaaabangang duelo sa Lady Chiefs.

“Kapag naniwala sila na magaling sila, or kumpleto na ‘yung game, wala na kailangang i-trabaho, wala nang kailangang ialala, ‘yun ang worry ko,” sabi ni Yee.

Nagbuhos si Mycah Go ng 9 points, 12 digs at 5 receptions, habang kumana si Gayle Pascual ng dalawang service aces upang tumapos din na may 9 points para sa CSB.

Napalaban sa Lady Cardinals na nagtatangkang makapasok sa susunod na round, nagpasalamat si Cha Cuñada, na nagkaroon ng breakout year para sa Lady Knights sa pandemic-cut 2020 season, at bumalik na ang kanyang laro sa gitna ng mga hamon na kanyang kinaharap sa torneo.

“In this game po, hindi namin iniisip na magpa-Final Four ‘yung Mapua. Pinusuan po talaga namin knowing na sinabihan po ako ng mga coaches namin na isa ako sa inaasahan ng team,” sabi ni Cuñada, na tumipa ng 14 points at 14 digs. “Pinagkatiwalaan ko lang talaga ‘yung sarili ko throughout the game.”

Nagtala si Juls Castro ng 19 points, 16 digs at 4 receptions habang nagdagdag si Shereena Urmeneta ng 11 points para sa Lady Knights.

“It’s all about pride ng school, especially na Intramuros kami. Para ito sa mga bata,” ani coach Mike Inoferio makaraang putulin ng Letran ang three-match losing streak upang umangat sa 2-6. “Malaking bagay ito going our last game against San Sebastian and going to next year.”

Sa panalo ay nahila ang dominasyon ng Knights sa Cardinals sa women’s volleyball mula men’s basketball, kung saan 3-0 sila laban sa kanilang Intramuros neighbors.

Nahulog ang Mapua sa 4-4 at nagkaroon ng dagok sa kanilang Final Four bid dahil ang joint fifth placers Lyceum of the Philippines University at Jose Rizal University (3-4) ay kalahating laro lamang ang agwat sa kanila para sa huling semis spot.

Nanguna si Jonina Fernandez para sa Lady Cardinals na may 9 kills at 7 digs habang nagdagdag sina Nicole Ong at Tere Manalo ng tig-7 points.

Susunod na makakalaban ng Mapua ang upset-conscious Emilio Aguinaldo College sa Sabado para tapusin ang kanilang elimination round assignments.