Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
8:30 a.m. – LPU vs San Beda (Men)
12 noon – LPU vs San Beda (Women)
2 p.m. – Letran vs Perpetual (Women)
4:30 p.m. – Letran vs Perpetual (Men)
PINALAKAS ng Mapua ang kanilang Final Four bid sa 14-25, 25-17, 25-21, 25-23 panalo kontra also-ran Emilio Aguinaldo College sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.
Matapos ang malamig na first set outing, nag-init ang Lady Cardinals sa sumunod na tatlo upang iangat ang kanilang record sa 5-2.
Ang panalo ay naglapit din sa Mapua sa walang larong University of Perpetual Help System Dalta, na nasa ikalawang puwesto na may 5-1 kartada.
Hataw si Greg Cabadin para sa Lady Cardinals na may 16 points, kabilang ang dalawang service aces, habang umiskor din si Tere Manalo ng 16 points.
Sa duelo ng mga sibak nang koponan, sa wakas ay nakapasok ang San Sebastian sa win column nang gapiin ang Jose Rizal University, 17-25, 28-26, 14-25, 25-16, 15-9.
Nagbuhos si KJ Dionisio ng 27 points at 7 digs habang kumamada si Tina Marasigan ng 3 service aces para sa 24-point outing para sa Lady Stags na humabol mula sa 1-2 set deficit para putulin ang six-match slide. Gumawa si setter Vea Sison ng 17 excellent sets at 2 service aces habang nakalikom si libero Jewelle Bermillo ng 19 digs at 13 receptions.
Umiskor sina Riza Rose at Mary May Ruiz ng tig-21 points para sa Lady Bombers, na nalasap ang ika-7 sunod na kabiguan.
Ang San Sebastian at JRU ay nakapasok sa Final Four noong nakaraang season, subalit ang pagkawala ng kanilang key players ngayong season ang naging ugat ng kanilang pagkakasibak.
Nagtala sina Krizzia Reyes at Jamaica Villena ng 20 at 12 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Generals.
Nahulog ang EAC sa 1-5 katabla ang San Beda.