Standings W L
Benilde 6 2
Mapua 6 2
Letran 6 3
San Beda 5 3
LPU 4 5
Perpetual 4 5
JRU 3 5
EAC 3 5
Arellano 3 6
SSC-R 2 6
Mga laro sa Martes:
(Mall of Asia Arena)
11 a.m. – Benilde vs JRU
2:30 p.m. – San Beda vs Mapua
5 p.m. – SSC-R vs EAC
ITATAYA ng St. Benilde at ng Mapua ang liderato sa magkahiwalay na laro sa pagpapatuloy ng NCAA men’s basketball tournament ngayong Martes sa Mall of Asia Arena.
Haharapin ng Blazers ang Jose Rizal University Bombers sa unang laro sa alas-11 ng umaga habang sasagupain ng Cardinals ang defending champion San Beda Red Lions sa alas-2:30 ng hapon.
Muling magtutuos sa unang pagkakataon ang San Beda at Mapua matapos ang kanilang matinding championship series sa Season 99 noong nakaraang taon kung saan namayani ang Red Lions para kunin ang korona.
Hanggang ngayon ay ramdam pa rin ni Mapua star guard Clint Escamis ang sakit na idinulot ng kanilang kabiguan.
“May hunger pa rin kasi hindi pa rin nawawala ‘yung sakit na ibinigay nila sa amin last year,” sabi ni Escamis. “So i-instill namin ‘yun sa mga rookies namin.”
Ang Cardinals ay galing sa three-game winning run, habang may dalawang sunod na panalo ang Red Lions.
Sariwa ang Mapua mula sa 77-71 pagbasura sa Arellano, samantalang naungusan ng San Beda ang Perpetual, 63-62, sa kanilang mga huling laro.
Samantala, sisikapin ng Blazers na makabawi mula sa 73-71 pagkatalo sa Chiefs.
Pinataob ng Jose Rizal ang EAC, 74-63, para buhayin ang tsansa sa Final Four.
Sa huling laro sa alas-5 ng hapon ay magtutuos ang San Sebastian College at EAC, na kapwa sisikaping buhayin ang kanilang tsansa sa Final Four.