NCAA: LIONS, BLAZERS ITATAYA ANG MALINIS NA MARKA

NCAA

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)

12 noon – Perpetual vs San Beda (Men)

2 p.m. – JRU vs Mapua (Men)

4 p.m. – CSB vs LPU (Men)

ITATAYA ng defending champion San Beda at College of Saint Benilde, ang co-leaders sa NCAA men’s basketball tournament, ang kanilang walang dungis na kartada sa magkahiwalay na laro ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Makakasagupa ng Red Lions ang University of Perpetual Help System Dalta sa alas-12 ng tanghali, habang makakabangga ng Blazers ang Lyceum of the Philippines sa alas-4 ng hapon. Sa isa pang kapana-panabik na duelo ay maghaharap ang resurgent squads Jose Rizal University at Mapua sa alas-2:00 ng hapon.

Galing sa 70-66 panalo laban sa Letran noong nakaraang Sabado upang mapalawig ang kanilang perfect run sa limang laro, batid ni San Beda coach Boyet Fernandez na ang laro kontra isa sa pinakamalaking banta sa trono ay hindi magde-define sa season ng kanyang koponan.

“We haven’t won anything. We just won this game (against the Knights) but still, it is a long way to go for us,” wika ni Fernandez.

Walang plano si Fernandez na magkumpiyansa laban sa Perpetual Help sa kabila ng 2-3 record nito.  Binigyan ng Altas ang Pirates ng magandang laban bago nalasap ang 85-87 pagkatalo noong nakaraang Agosto 8.

Umaasa naman ang St. Benilde na hindi na mauulit ang mga pagkakamali sa 82-77 panalo kontra Arellano University kung saan muntik nang ­masayang ang kanilang 15-point lead sa huling dalawang minuto.

Laban sa LPU na may four-game roll matapos ang shock loss sa Emilio Aguinaldo College, umaasa si coach TY Tang na aangat pa ang performance ng kanyang tropa.

Sisimulan ng Blazers, nasa kanilang pinakamagandang simula sa kasaysayan ng eskuwelahan, ang mabigat na four-game stretch upang tapusin ang kanilang first round campaign na kinabibilangan ng mga laro kontra ­Lions, Knights at Bombers.

Comments are closed.