BAKASYON muna ang NCAA Season 95 men’s basketball tournament upang bigyang-daan ang pagtsi-cheer ng lahat ng Filipino basketball fans sa Gilas Pilipinas na sumasabak sa 2019 FIBA World Cup in Foshan, China.
Ang liga ay may nalalabing isang playdate upang tapusin ang first round kung saan ang tripleheader ay dalawang beses na ipinagpaliban dahil sa masamang panahon.
Sa halip na i-reschedule ito ngayon, ang NCAA Management Committee (MANCOM) ay nagpasiyang idaos ito sa Biyernes sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“We’re one in supporting our beloved national team Gilas Pilipinas. We’re giving way to the national team in its campaign in the 2019 FIBA World Cup,” wika ni NCAA MANCOM chairman Peter Cayco ng season host Arellano University.
“As a nation, we want to focus and cheer as one for our national team – win or lose we support them and we at the NCAA, this is our own little way to show our all out support to Gilas Pilipinas and the efforts of the SBP,” dagdag ni Cayco.
Ang men’s games ay tatampukan ng bakbakan ng Letran at College of Saint Benilde sa alas-12 ng tanghali, na susundan ng duelo ng defending three-time champion San Beda at Mapua sa alas-2 ng hapon, at ng showdown ng Arellano at San Sebastian sa alas-4 ng hapon.
Si Paul Supan, ang NCAA MANCOM representative ng JRU, ay kasalukuyang nasa Foshan bilang bahagi ng delegasyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung saan ang liga ay isa sa stakeholders.