NCAA NA!

NCAA

Mga laro ngayon:

(MOA Arena, Pasay)

12nn.- Opening Ceremony

2 pm- San Beda vs Perpetual Help (Srs)

4 pm- LPU vs San Sebastian (Srs)

SISIKAPIN ng San Beda na mapalawig ang paghahari nito sa pagsagupa sa host Perpetual Help habang magpapambuno ang runner-up noong nakaraang taon na Lyceum of the Philippines University at ang San Sebastian sa pag-arangkada ng 94th NCAA senior basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang Lions pa rin ang paborito sa liga makaraang mapanatili ang core ng koponan na nagwagi ng back-to-back championships, sa pangunguna nina Robert Bolick, Javee Mocon at ang Finals MVP noong nakaraang taon na si Donald Tankoua ng Cameroon, at hinugot si blue-chip rookie recruit Even Nelle mula sa San Beda-Taytay high school team nito upang mapalakas pa ang koponan.

Ang nawala sa koponan ay sina Davon Potts at Arnaud Germain Noah ng Cameroon, na pinalitan ng mas matangkad na si Toba Eugene ng Nigeria.

Kabilang sina Clint Doliguez, Franz Abuda, Jose Mari Presbitero, AC Soberano, Ranbill Tongco, Jerimer Cabanag at Calvin Oftana sa mga player na nasa roster ng San Beda, na nakapasok sa finals sa 12 sunod na pagkakataon at nagwagi ng 10 kampeonato.

Gayunman ay binigyang-diin ni San Beda coach Boyet Fernandez na balanse ang liga at ang lahat ay may kakayahang magwagi ng titulo.

“Yes, we have experience and we’re almost intact. But I still think it will be tough this season because teams have beefed up,” ani Fernandez.

Makakaharap ng San Beda sa alas-2 ng hapon ang Perpetual Help team na gagabayan ni coach Frankie Lim, na nagkataong igi­niya ang Lions sa ap-at na titulo, mahigit isang dekada na ang nakalilipas, habang magbabanggaan ang LPU Pirates at San Sebastian Stags sa alas-4 ng hapon.

Bago ang laro ay magkakaroon ng opening ceremony sa alas-12 ng tanghali. /PILIPINO Mirror

Comments are closed.