PINALAKAS pa ng San Beda University ang kanilang tsansa para sa isang puwesto sa Final Four.
Ginulantang ng Red Lions ang Lyceum of the Philippines University Pirates. 74-56, sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Nagtala si Yukien Andrada ng bagong career-high na 26 points at tumapos din na may 5 rebounds, 2 assists, at isang steal. Nauna siyang gumawa ng 22 laban sa CSB Blazers.
Nagdagdag si Jacob Cortez ng 16 points, 7 dimes, at 4 assists.
Abante lamang ng lima, may walong minuto pa ang nalalabi, na-outscore ng San Beda ang Lyceum sa sumunod na tatlong minuto, 9-2, upang muling palobohin ang kanilang kalamangan sa double digits, 64-52.
Umabot pa sa 18 ang bentahe ng Mendiola-based squad tungo sa panalo upang umangat sa 11-6 kartada.
Ang pagkatalo ng JRU Heavy Bombers ngayong araw at ang panalo ng San Beda kontra Letran Knights sa Biyernes ay magpapatatag sa kanilang puwesto sa Final Four, subalit nakapokus lamang si head coach Yuri Escueta na matikas na tapusin ang elimination round.
“Mas worried kami sa next game namin. Letran ‘yon eh, so kailangan naming paghandaan,” pahayag niya sa post-game.
Nahulog ang No. 2 LPU sa 13-5 sa standings, ngunit ang Perpetual Altas ang pinakanaapektuhan dahil sibak na sila ngayon sa playoff contention.
Nanguna para sa Pirates si Enoch Valdez na may 17 points, 7 boards, at 1 assist, habang nagdagdag si Shawn Umali ng 14.
Iskor:
San Beda (74) – Andrada 26, Cortez 16, Puno 8, Gonzales 5, Tagle 5, Alfaro 5, Jopia 4, Cuntapay 3, Payosing 2, Visser 0, Tagala 0
LPU (56) – Valdez 17, Umali 14, Guadana 6, Montano 6, Barba 5, Versoza 4, Omandac 2, Penafiel 2, Cunanan 0, Bravo 0, Villegas 0, Culanay 0
QS: 22-16; 38-30; 52-44; 75-56.