Mga laro bukas:
(Filoil EcoOil Centre)
2 p.m. – Perpetual vs Arellano
4 p.m. – SSC-R vs LPU
NALUSUTAN ng San Beda ang paghahabol ng College of Saint Benilde upang maitakas ang 83-77 panalo sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Naitala ni James Payosing ang walo sa kanyang 13 points sa first quarter habang kumarera ang Red Lions sa 29-9 kalamangan.
Nagbanta ang Blazers sa 77-82 sa triple ni Migs Oczon, may 1:02 ang nalalabi bago kinapos.
Nanguna si Jacob Cortez para sa San Beda na may 20 points, 6 rebounds at 3 assists habang nagdagdag si Yukien Andrada ng 13 points, 3 boards at 2 assists.
Nauna rito, ipinalasap ng Emilio Aguinaldo College sa defending champion Letran ang ikatlong sunod na kabiguan sa 75-65 panalo, habang ginapi ng Jose Rizal University ang Mapua,
70-61.
Nanatiling walang talo ang Generals sa dalawang laro sa likod ni King Gurtiza, na nagbuhos ng game-high 23 points, 6 rebounds, at 3 assists.
Nakadikit ang EAC sa Lyceum of the Philippines University, na may 3-0 kartada.
Bumawi ang Bombers mula sa overtime loss noong Biyernes sa Blazers upang makatabla ang Cardinals at Red Lions sa third place sa 2-1 sa likod ng 18-point, nine-rebound outing ni Patrick Ramos.