NCAA: ‘SLAM DUNK KING’ SI GUTANG

Justin Gutang

KINAILANGAN lamang ni Justin Gutang ng St. Benilde ng isang kompletong dunk upang gapiin sina William de Leon ng Arellano University at Enoch Valdez ng Lyceum of the Philippines U sa finals at tanghaling ‘slam dunk king’ ng Season 94 NCAA All-Star Game sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Unang bumanat si Gutang ng isang reverse two-handed dunk, tinangkang gumawa ng isa pa subalit nabigong makumpleto ito bago nagkasya sa left-handed jam na nagbigay ng 41 mula sa five-member judges’ panel na kinabilangan nina Alab coach Jimmy Alapag at NCAA Press Corps president Norman Riego.

Sina Valdez at De Leon ay kapuwa nabigong makumpleto ang kanilang dunks.

“I wasn’t satisfied with my performance because I wasn’t able to practice that much but a win is a win,” wika ni Gutang.

Sa three-point shootout, pinataob ni AC Soberano ng San Beda si Exeqiel Biteng ng Mapua sa finals upang kunin ang three-point shootout title, ang kanyang ikalawa makaraang maghari, tatlong taon na ang nakalilipas.

Kinuha ng  San Beda si alumnus Rome dela Rosa bilang last-minute replacement kay Jake Pascual at nakipagtambalan kina Calvin Oftana at Anfernee Zachary Estacio upang madominahan ang Shooting Stars event.

Si Dela Rosa, nagwagi ng apat na championships sa Lions at kasalukuyang nasa Star sa PBA, ay nasa venue lamang para mag-cheer sa nakababa-tang kapatid na si Ry dela Rosa ng  Jose Rizal, na sasabak sa three-point shootout subalit tinawag at pinakiusapan nang hindi sumipot si Pascual, da­ting teammate sa San Beda.

Kinailangang hiramin ang shorts ni San Beda star Javee Mocon at ang reserbang shirt ng San Beda shirt, tinalo nina Dela Rosa, Oftana at Estacio sina Clint Escamis, Exi Biteng at Yong Garcia ng Mapua, kung saan naisalpak ni Oftana ang  half-court shot upang ku­nin ang korona.

Dinaig nila ang mga katunggali na kinabilangan din nina Jio Jalalon ng Arellano U at Rey Nambatac ng Letran, na nasa pros din tulad ni dela Rosa.

“It’s nice to be back and representing the school that gave me a chance to play,” pahayag ni Dela Rosa, na huling naglaro para sa Lions, limang seasons na ang nakararaan.

Nauna rito ay pinagharian ni Mark Mallari ng Jose Rizal ang skills challenge.

Samantala, sumandal ang Saints  kay Michael Calisaan ng San Sebastian nang igupo ang Heroes, 94-89.

Kumana si Calisaan ng double-double na may 17 points at 13 rebounds upang pangunahan ang Boyet Fernandez-coached Saints sa panalo, ang kanilang ikalawang sunod laban sa Heroes matapos ang 84-80 tagumpay noong nakaraang season.

Sa kanyang impresibong ipinamalas ay itinanghal si Calisaan bilang All-Star MVP award.

Ipinarada ng Saints sina  Robert Bolick at Javee Mocon ng San Beda,  Bong Quinto ng Letran at Allyn Bulanadi ng San Sebastian.

Nagbuhos si Jaycee Marcelino ng 15 points upang pagbidahan ang Heroes,  na hindi nakasama sina reigning MVP Jaymar Perez at coach Topex Robinson ng Lyceum of the Phl U.

Iskor:

Saints (94) – Calisaan 17, Mocon 15, Quinto 10, BUlanadi 10, Capobres 8, Razon 7, Aurin 6, Calvo 6, Bolick 5, Dixon 4, Coronel 2, Fajarito 2, Tongco 2, Velasco 0

Heroes (89) – Jc. Marcelino 15, Alban 12, Sinco 8, Mendoza 7, Borbon 7, Canete 6, Jv. Marcelino 6, Bonifacio 5, Pelayo 5, Victoria 4, David 4, dela Cruz 3, Garcia 3, Bautista 2, Diego 2

QS: 26-28; 52-40; 78-69; 94-89

Comments are closed.