Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – SSC-R vs Arellano
3 p.m. – San Beda vs EAC
PUNTIRYA ng Arellano University ang solong liderato sa pagsagupa sa San Sebastian sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Martes sa Filoil EcoOil Centre.
Masaya si Chiefs coach Cholo Martin na nag-deliver si veteran guard Shane Menina sa kanyang unang laro sa NCAA magmula noong 2016.
Umiskor si Menina ng game-high 15 points at kumalawit ng 5 rebounds sa 63-58 panalo ng Arellano kontra Emilio Aguinaldo College sa opener noong Sabado.
“Alam naman natin ‘yung laro niya eh,” sabi ni Martin patungkol kay Menina.
“And ‘yung timing, and ‘yung adjustment niya and ‘yung adjustment niya sa team niya kasi nga bag siya sa team namin. So okay naman, good result naman,” dagdag pa niya.
Mapapalaban si Menina kay Stags’ rising star Ichie Altamirano, na may stellar showing sa off-season leagues, sa 12 noon match.
Ang panalo ay magbibigay sa Chiefs ng kanilang unang 2-0 simula magmula noong 2016.
Sisikapin ng San Beda at EAC na makabawi mula sa kanilang opening day losses sa isa pang laro sa alas-3 ng hapon.
Determinado ang Red Lions na ibigay kay bagong coach Yuri Escueta ang unang collegiate win nito.
Natalo ang San Beda sa kanilang unang season-opener magmula noong 2005, kung saan namayani ang Mapua sa rematch ng Final Four noong nakaraang season, 66-55, noong nakaraang Sabado.
Umaasa si James Kwekuteye na makakukuha ng suporta mula kina JB Bahio, Ralph Penuela, Tony Ynot at Justin Sanchez para sa Red Lions upang makapasok sa win column.
Sasandal naman ang EAC kina Allen Liwag, Ralph Robin, Kris Gurtiza, JP Maguliano at Nat Cosejo.