NCAA VOLLEYBALL: LADY CHIEFS TUMATAG SA 2ND SPOT

LADY CHIEFS

Standings W L
CSB 6 0
Arellano 6 1
SSC-R 4 2
JRU 3 3
LPU 3 3
Mapua 3 3
San Beda 2 4
Perpetual 2 5
EAC 2 5
Letran 1 6

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – JRU vs CSB
2:30 p.m. – LPU vs Mapua

NALUSUTAN ng Arellano University ang takot sa third set upang gapiin ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-12, 25-13, 25-23, para sa ikatlong sunod na panalo sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Nanguna si Nicole Sasuman para sa 5-1 finishing run ng Lady Chiefs sa third set upang walisin ang Lady Altas at umangat sa 6-1 sa ikalawang puwesto.

Ikinatuwa ni coach Obet Javier ang pagiging kalmado ng Arellano sa kabila ng pag-abante ng Perpetual sa 22-20 sa huling bahagi ng third.

“Bago mag-start ang third set sinabi ko na dapat makuha na natin ang pangatlo. Pinakamahalagang set ‘yung pangatlo,” sabi ni Javier.

“So mabuti naman, kahit paano sa bandang huli nakuha pa rin namin ‘yung goal namin ‘yung set na ito,” dagdag pa niya.

Umiskor si Sasuman ng 10 points, kumana si Cess Bello ng 3 service aces upang tumapos na may 9 points, habang gumawa si setter KC Adante ng 19 excellent sets para sa Lady Chiefs.

Naglaro na may sore knees, isang injury na, aniya, ay konektado sa kanyang scoliosis na na-diagnose noong 2019, nangako si Bello na magpapatuloy sa pag-asang mahila ng Arellano ang dominasyon nito sa apat na seasons.

“Magpapagaling ako at magpapalakas pa ako, marami pa akong pagkukulang sa sarili ko and sa team ko,” sabi ni Bello.

“Kayang-kaya ko pa, hindi puwedeng mawala ako. Hangga’t kaya ng tuhod ko, kaya ko,” dagdag pa niya.

Sa iba pang laro ay pinataob ng Emilio Aguinaldo College ang Letran, 17-25, 26-24, 25-21, 25-17, para iposte ang ikalawang sunod na panalo
matapos ang 0-5 simula.

Nais lamang ni coach Rod Palmero na mag-enjoy ang kanyang Lady Generals sa kanilang mga nalalabing laro dahil huli na silang nagsimulang mag-jell.

“Siyempre, masaya ako para sa kanila. Kahit huli na, nagpe-prepare na kami for next season,” sabi ni Palmero.

“Sinabi ko sa kanila na mag-enjoy para matapos ang season na walang regrets ang mga bata.”

Nagbuhos si Cathrine Almazan ng 23 points, kabilang ang match-winner, habang nagdagdag si Krizzia Reyes ng 18 points, 22 digs at 10 receptions para sa EAC.

Ang pagkatalo, ang ikatlong sunod at ika-5 sa kabuuan, ay naglagay sa Lady Altas sa bingit ng pagkakasibak.

Samantala, pormal nang nasibak ang Lady Knights na may 1-6 record.

Nakalikom si Hannah Suico ng 5 points habang umiskor din si setter Jenny Gaviola ng 5 points, kabilang ang 2 blocks, at gumawa ng 9 excellent sets para sa Perpetual.

Kumana si Cha Cuñada ng 11 kills habang nagtala rin si skipper Shereena Urmeneta ng 11 points, kabilang ang 2 blocks, para sa Letran.