NCAP SA PUVs PINASUSUSPINDE

DOTr-LTFRB

PINASUSUSPINDE ng Transportation officials ang pagpapatupad ng “no contact apprehension policy” (NCAP) para sa mga pampublikong sasakyan na binigyan ng pahintulot na bumiyahe sa pagsisimula ng klase ngayong Lunes.

Sa inilabas na pahayag nitong Linggo ng Department of Transportation (DOTr), ang muling pagbubukas sa mga ruta ay bilang antisipasyon sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero at mga behikulo sa kalsada ngayong magsasagawa na muli ang mga paaralan ng face-to-face classes.

Nitong nakaraang Linggo ay nagpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng dalawang memorandum circulars na sinasabing aabot sa 133 mga ruta para sa mga pampasaherong bus, jeepneys, at UV express units ang kanilang bubuksan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero simula ngayong Agosto 22.

“While the PUVs have no Certificates of Public Convenience (CPC) yet, they would be issued with special permits to allow them to travel while the LTFRB decides on when to open applications for CPCs for routes under the Route Rationalization Study,” batay sa pahayag.

Sinabi naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi sila manghuhuli ng PUVs na walang CPCs sa bubuksang mga ruta at hindi rin sila kasama sa number coding scheme.
Pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga tsuper ng mga pampasaherong sasakyan na sumunod sa kanilang mga ipinatutupad na panuntunan. EVELYN GARCIA