ASSALAMUALAIKUM. MAY kinalaman po ang pag-uusapan natin ngayon sa mga nabatid nating reklamo mula sa ating Muslim brothers and sisters tungkol sa serbsyong nakukuha nila sa National Council on Muslim Filipinos (NCMF) kaugnay ng kanilang pagdalo sa Hajj.
Hiling natin sa mga kinuukulan, dapat itong maimbestigahan sa lalong madaling panahon para maresolba ang mga problema at maging maayos ang mga susunod na pamamakay sa Hajj.
Sa pamamagitan ng inihain nating Senate Resolution 768, nanawagan tayo ng kaukulang pagdinig sa Senado patungkol nga po sa iba’t ibang reklamong nakarating sa ating tanggapan hinggil sa 2023 Hajj. Maaari naman po nating maisingit ang isyung ito sa pagtalakay ng ating komite, ang Senate Finance Committee sa 2024 proposed budget ng DILG na nangangasiwa sa NCMF.
Ayon po kasi sa mga natanggap nating reklamo, hindi raw maayos ang pag-aasikaso ng NCMF sa Muslim pilgrims na idinadaan sa pama-magitan ng Bureau of Pilgrimage and Endowment (BPE).
Sa pahayag po ni Sulu Vice Governor Abdusakur Tan II na kumakatawan sa Muslim Filipino pilgrims, hindi katanggap-tanggap ang pagtrato sa kanila ng BPE sa kanilang pagdalo sa 2023 Hajj sa Mecca. Kabilang daw d’yan ang kakulangan ng transportasyon na nagiging dahilan upang magsiksikan ang pilgrims sa isang bus. Napaka-delikado po ng ganoong sitwasyon dahil posibleng makaranas ng matinding init ang mga tao na nagdadala ng panganib sa kanilang kalusugan. Maging sa kanilang tents, napakahina rin daw ng cooling systems, gayong napakainit ng panahon. Pagdating daw sa pagkain, paulit-ulit na nga lang daw ang isinisilbi sa kanila, wala pang nutrisyon. Ang malungkot dito, may mga araw raw na wala talagang pagkain na isinisilbi.
Dagdag pa ng grupo ni Gov. Abdusakur, sa kabila ng hirap na dinaranas ng Filipino pilgrims, napakasarap naman ng buhay ng BPE officer-in-charge na naka-billet pa sa isang five-star hotel sa Mecca, habang ang NCMF top officials naman, anila, ay halos walang pakialam sa kanilang sitwasyon. Ni hindi raw sila halos kinukumusta o sinisilip ng mga ito para tanungin man lang kung ano ang kanilang mga pangangailangan o hinaing.
Nabatid din natin na hindi lang pala ngayon nangyari ito – matagal na palang may mga ganitong isyu na hindi man lang nareresolba.
Alam n’yo po, dahil napakahalaga ng Hajj para sa ating mga kapatid na Muslim, matagal po nilang pinaghahandaan ‘yan. Itinuturing kasi nilang matibay na pundasyon ng Islam ang Hajj kaya ganoon na lang ang kagustuhan nilang makadalo rito. Sagrado po ito, at lahat ng Muslim na nasa tamang gulang ay kinakailangang makadalo rito kahit isang beses lang sa tanang buhay nila.
Kaya’t nakalulungkot na nalulukuban ng problema ang kanilang pamamakay.
Nagtatawag po tayo ng pagdinig para sa usaping ito para masolusyonan at para sa mga susunod na taon ay hindi na maranasan ng ating Muslim brothers and sisters ang mga ganitong uri ng pagtrato.
Ipapaalala lang po natin sa NCMF: ayon sa Sec. 8(q) ng Republic Act 9997 o ang National Commission on Muslim Filipinos Act of 2009, inaatasan ang NCMF sa pamamagitan ng BPE na mangasiwa sa taunang Hajj ng Muslim Filipinos na nagmumula sa Pilipinas. Kayo po ang inaatasang mangalaga sa Filipino pilgrims kaya’t nakadidismaya na nagpapabaya pala kayo sa kanila.
Umaasa tayo na sa mga susunod na araw ay maliwanagan tayo hinggil dito.