NABABAHALA si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na posibleng samantalahin lamang ng mga negosyante ang pangamba ng publiko sa novel coronavirus.
Sa privilege speech ni House Committee on Health Chairman Angelina Tan kung saan ibinababala nito sa publiko ang sintomas ng sakit na nCoV, nag-interpellate si Atienza na posibleng lumikha lamang ito ng panic sa publiko gayong wala pa namang kumpirmadong kaso ng sakit na nakapasok sa bansa.
Babala ni Atienza, baka pagkakitaan lamang ng mga negosyante ang nCoV scare lalo na at patok ngayon ang pagsusuot ng face mask at may inirerekomenda pa umanong bakuna para labanan ang sakit.
Aniya, ilang libong Filipino ang may sipon, ubo, sinusitis at trangkaso na kapareho sa mga unang sintomas ng nCoV infection.
Ngayon pa lamang ay natataranta na ang publiko sa takot na mahawaan ng sakit kaya hindi malabong samantalahin ng mga negosyo ang takot ng mga tao.
Giit ni Atienza, ipaliwanag nang mabuti sa publiko na kung papaano nakukuha ang sakit, paraan para ito ay maiwasan at gawin ang mga pag-iingat na hindi nauuwi sa pagkaalarma o panic ng publiko. CONDE BATAC
Comments are closed.