NCR, CAVITE, AT RIZAL, NASA ‘MODERATE RISK’ NA SA COVID-19

INILAGAY na sa moderate risk classification ang Covid-19 sa National Capital Region (NCR), Cavite, at Rizal habang nananatiling nasa high risk ang klasipikasyon ng mga lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon.

Ito ang iniulat ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, base na rin sa indicators ng Covidactnow. org.

Ani David, ang average daily attack rate (ADAR) sa NCR ay nasa 23.01 habang 20.30 naman sa Cavite at 15.09 sa Rizal.

Nakapagtala rin ang NCR ng Covid-19 case growth rate na -68% habang ang Cavite ay nakapagtala ng -65% at -66% sa Rizal.

Aniya, ang Covid-19 reproduction rate sa NCR na 0.47 na lamang, Cavite na 0.69 at Rizal na 0.54, ay “very low” na.

Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon ng pagbagal ng hawahan ng sakit.

Sa kabila nito, iniulat ni David na ang mga lalawigan ng Batangas, Laguna, at Quezon ay nananatiling ‘high risk’ sa COVID-19.

Nabatid na nasa high risk ang ADAR sa Batangas sa 13.74 at Laguna na nasa 23.07 naman habang moderate naman sa Quezon na nasa 9.25.

Ang Covid-19 case growth rate sa Batangas ay nasa -48%, habang -60% naman sa Laguna at -28% sa Quezon.

Nasa low risk na rin naman ang reproduction rate sa Batangas na nasa 0.89 at Laguna na nasa 0.77, ngunit nananatili sa high ang Quezon na nasa 1.11.

Idinagdag pa ni David na maaari pang bumaba ang klasipikasyon ng NCR sa low risk sa susunod na dalawang linggo kung magpapatuloy ang downtrend sa rehiyon.

“NCR could improve to low risk within two weeks if downtrend continues,” base pa sa tweet ni David.

Muli ring nanawagan si David sa publiko na istriktong tumalima sa umiiral na minimum public health standards (MPHS) upang hindi na muli pang magkaroon ng panibagong surge ng Covid-19 sa bansa. BENJIE GOMEZ