NAGWAGI ang National Capital Region (NCR) ng apat na gold medals sa taekwondo at tatlo sa arnis nitong Biyernes upang mabawi ang No. 1 spot sa overall medal tally ng nagpapatuloy na 2023 Palarong Pambansa sa Marikina City.
Dinomina nina Maverick Valmonte (45kg), Kurt Mykel Curata (+45kg), Felicity Jana Castel (+44kg) at Tachiana Keizha Mangin (+46kg) ang kani-kanilang category sa secondary division ng kyorugi taekwondo competition sa St. Scholastica Academy.
Sa arnis, nakopo ni General Tuliao angbgold medal sa pinweight category (43kgs to 47kgs) at naghari si Dante Alexes Padilla sa half lightweight category (+60kgs) sa boys’ division habang namayani si Savannah Borre sa girls’ featherweight category (+44kgs) ng full contact padded stick sa Marist School covered gym.
Nasikwat din ng NCR ang secondary girls’ doubles gold medal sa tennis na kaloob ng magkapatid na Mica Ella at Kaye Ann Emana, habang kinuha ni Tennielle Madis (Region 12) ang girls’ singles gold medal at nagkasya si Stefi Marithe Aludo (Caraga) sa silver medal.
Nakasungkit ang Western Visayas ng 3 gold medals mula sa elementary boys and girls, at secondary boys’ 4x100m relay sa athletics competition sa Marikina Sports Center.
Hanggang 7:30 p.m.,nitong Biyernes, ang NCR ay nakalikom ng 67 gold medals, 64 silvers at 45 bronzes, habang nahulog ang Western Visayas (Region 6) sa second place na may 50 golds, 36 silvers atb31 bronzes.
Nanatili ang Southern Tagalog (Region 4A) sa No. 3 na may 44 golds, 47 silvers at 48 bronzes habang umakyat ang Central Luzon (Region 3) sa No. 4 na may 25 golds, 29 silvers at 38 bronzes.
Nasa No. 5 ang Central Visayas (Region 7) na may 18 golds, 15 silvers ar 26 bronzes, kasunod ang Davao (Region 11) na may 18-10-17, CAR (15-16-12), Northern Mindanao (14-13-23), Soccsksargen (13-14-19), Bicol (13-13-15), Ilocos Region (8-11-17), Mimaropa (7-5-10), Eastern Visayas (3-9-12), Cagayan Valley (3-7-13), Caraga (1-6-10), Zamboanga Peninsula (1-3-8) at BARMM (1-0-3).
-PNA