NCR, NAGTALA NA LANG NG 2% COVID CASE GROWTH RATE

NAGTALA na lamang ang National Capital Region (NCR) ng 2 porsiyentong COVID-19 case growth rate sa nakalipas na pitong araw.

Ito ay batay sa ulat ni Dr. Guido David, ng independent monitoring group na OCTA Research, sa kanyang Twitter account.

Ani David, nangangahulugan ito na ang mga bagong kaso ng sakit sa rehiyon ay malapit na sa ‘peak’ o ‘di kaya ay maaaring dulot rin ng limitadong testing capacity.

Ipinahayag pa ni David na ang NCR ay nakapagtala ng 18,422 bagong impeksiyon noong Sabado na pasok sa kanilang range of expectations.

Bunsod nito, ang daily growth rate ng rehiyon sa seven-day average ay bumaba na lamang sa 2 porsiyento kumpara sa 3 porsiyento na naitala noong Biyernes.

“The NCR reported 18,422 new COVID-19 cases on January 15, within the range of expectations. As a result, the growth rate of the 7-day average was 2%, compared to 3% from the previous day,” tweet pa ni David.

Ipinaliwanag naman ni David na ang naturang downtrend sa growth rate ay mayroong dalawang maaaring rason.

Una, ang trend ng mga bagong kaso ng sakit sa NCR ay malapit na sa peak at ikalawa, maaaring ang volume of testing ay hindi sapat dahil sa dami ng mga bagong kaso.

“If new cases start to decrease in the NCR over the next week, then it is the first case,” ani David..

“In the second case, we will see the number of new cases continue to hover around the same level, until the downward trend happens. We will know soon enough,” dagdag pa niya. BENJIE GOMEZ