QUEZON CITY – PINULONG ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) ang mga group leader at stakeholders tungkol sa preparasyon ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) kahapon, July 18, sa Quezon City Sports Club sa E. Rodriguez Sr. Boulevard.
Gaganapin ang ikatlong SONA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Lunes sa Batasan Pambansa, Quezon City.
Tinumbok ng diyalogo ang paghingi ng suhestiyon mula sa mga grupo tungkol sa traffic re-routing schemes upang mas maging organisado at magkaroon ng payapang SONA.
Napag-usapan din sa diyalogo ang staging ng mass demonstration at seguridad ng mga raliyista at grupo ng media.
Pinasalamatan ni NCRPO Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga leader na dumalo dahil sa kanilang suporta, “For the past two years, dahil may pag-uusap, nagkaroon ng kasunduan, at dahil may kasunduan nagkaroon ng mga guideline o alituntunin na dapat tuparin; at dahil do’n naiwasan ang mga ‘di pagkakaintindihan. We are hoping that everything will be in order.”
Dagdag pa niya, aabot sa 7,000 mula sa Security Task Force (STF) Kapayapaan na binubuo 13 na Site Sub Task Groups (SSTGs) ang mga pulis na itatalaga sa SONA.
Hiniling naman ni QCPD Director, Chief Supt. Esquivel sa mga leader ng mga grupo na pagsuotin ng arm band ang kanilang mga marshall upang nakilala agad ng awtoridad.
Sinabi rin niya sa mga leader at sa mga sasali sa demonstrasyon na panatilihin ang kalinisan at kaayusan sa lugar, lalo na ang pagtatapon ng basura sa tamang lugar, bilang pagsuporta sa mga adbokasiya ng PNP para sa kapaligiran.
Samantala, pinaalala naman ni Jolly Torres, kinatawan ng Commission on Human Rights sa mga raliyista na gawin ito nang mapayapa upang maiwasan ang anumang komprontasyon. Pinasalamatan naman niya ang PNP, partikular ang mga direktor ng NCRPO at QCPD sa pagpapasimula ng diyalogo.
Sinabi naman ni BAYAN Secretary General Renato Reyes na tulad ng mga nakaraang SONA, inaasahan niyang marami sa kanilang mga miyembro ang sasali sa protesta.
Bukod sa mga opisyal ng PNP, dumalo rin sa diyalogo sina FSSupt. Manuel Manuel ng QC Bureau of Fire and Protection Chief, Mr. Renato Reyes Jr ng BAYAN, Rasti Deliso ng SANLAKAS, COL Jammel Jaymalin (Ret.), Executive Officer ng Quezon City Muslim Consultative Council, Mr. Dexter C Cardenas, kinatawan ng Department of Public Order and Safety (DPOS), mga chairman ng Brgy. Commonwealth at Batasan, mga kinatawan ng Barangay Payatas at Holy Spirit at religious leaders. PAULA ANTOLIN/RENALENE NERVAL – OJT