TAGUIG CITY – BAGAMAN welcome at pinapahalagahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. PMaj. Gen. Guillermo Eleazar ang suporta ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng joint operation laban sa droga, hindi naman ito sang-ayon sa inihayag sa Senado ni PDEA Director Aaron Aquino na ang ninja cops o mga pulis na sangkot sa ilegal na aktibidad gaya ng pagbebenta ng mga nakumpiskang droga (recycling of drug) sa kanilang operasyon ang sanhi kung bakit lumalawak at hindi matuldukan ang nasabing problema.
Aniya, hanggang hindi pa naa-identify ang mga pulis o ninja cops na nagbebenta ng nakumpiskang droga at wala pang validated reports, ang pahayag ni Aquino ay maituturing na hindi katanggap-tanggap.
Inamin din ng heneral na sa nakalipas na panahon ay mayroong nahuling pulis sa nasabing paglabag subalit ang mga insidente sa Metro Manila ay isolated lamang at naniniwalang hindi talamak o wala na sa police force ang nasabing ilegal na gawain.
“I do not believe these are rampant enough to constitute the primary reason for the continuing drug trade in Metro Manila. In fact, I would like to believe that this drug recycling malpractice is not existent anymore,” ayon pa kay Eleazar.
Dagdag pa ni Eleazar na noong siya pa ang director ng Quezon City Police District, ay alam na niya ang sakit na “recycling drugs” at pagkakaroon ng ninja cops na karaniwan ay nasa Drug Enforcement Units at upang tuldukan ito ay kaniya nang sinibak ang lahat ng tauhan ng nasabing yunit.
Bukod sa ninja cops, nag-e-exist na rin aniya noon ang kalakaran sa hulidaps at kidnapping for ransom ng mga tiwaling pulis.
Paniniwala ng heneral, ang mga matagal na sa puwesto (sa DEUnoon) ay “kontaminado” ng sistema kaya pinalitan niya ng mga bagong personnel ang yunit at tiniyak na malilinis na pulis.
“My strategy was to make sure that new, fresh and clean police officers will wage the honest battle against illegal drugs. All told, I gradually relieved close to 500 policemen from our ranks. Some were reassigned to other regions, while others were charged with administrative and criminal complaints for possible dismissal from the ranks,” ayon pa kay Eleazar.
Sa kaniya namang pag-upo bilang NCRPO director noong Hunyo 2018, nagpatuloy siya sa paglilinis sa Metro cops lalo na ang mga sangkot sa drug related cases at ang mga napatunayang nagkasala ay sinibak at kinasuhan.
Binuksan din niya ang kanyang tanggapan para ipaalam sa kanya ang mga tiwaling pulis upang agad komprontahin ang mga ito na bahagi ng paglilinis sa hanay ng pulisya lalo na sa kanyang nasasakupan.
Kabilang din sa pinaiiral na hakbang ni Eleazar ay ang paghikayat sa publiko na isumbong sa kanila kapag may pulis na sangkot sa drug pushing na ang resulta ay pagkakaroon ng magandang koordinasyon, tiwala at respeto.
Marami aniya siyang sinibak sa puwesto mula sa chief of police hanggang sa pinakamababang ranggo na patunay lamang na nabago na ang Metro Police force at dahil doon ay gumanda ang kanilang imahe sa publiko.
“As a result, the NCRPO has not recorded any drug-related incident involving its active members in the past several months,” pagdiriin pa ni Eleazar.
Samantala, noong Linggo at noong Lunes ay nagsagawa sila ng operasyon laban sa big time o high value targets.
Napaslang sa anti-illegal drug operation si Edgardo Labay Alfonso, isang drug courier, sa Quezon City at nakuha sa kanyang posesyon ang apat na packs ng shabu na nagkakahalaga ng P27 million at sa follow up operation noong Lunes ay nakakumpiska rin ng 40 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P204 milyon mula naman sa isang Manolito Lugo Carlos, drug courier sa Pasig City.
Aniya ang dalawang malaking anti-illegal drug operations na kanilang isinagawa ay patunay lamang na patuloy na tumutupad ang Philippine National Police para sawatain ang illegal drug trade sa bansa at hindi tama na ibintang sa drug recycling ng mga tiwaling pulis kung bakit lumalawak illegal drug trade sa bansa. PM Reportorial Team