NCRPO MAY ‘PERSON OF INTEREST’ SA LAPID SLAY

INIHAYAG ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mayroon na silang tinitingnan na ‘person of interes’t sa kasong pag-ambush at pagpatay kay radio broadcaster at commentator Pervical Mabasa na mas kilala sa bilang Percy Lapid nitong nakaraang Lunes ng gabi.

Ayon kay NCRPO director Brig. Gen. Jonnel Estomo, kinumpirma ng binuong team na Special Investigation Task Force Percy Lapid sa kanilang isinasagawang follow-up na itinuturing nilang person of interest ang isang lalaki matapos ito mahagip ng CCTV camera nang madaanan ng minamanehong sasakyan ni Lapid bago paslangin ang hard-hitting na radio broadcaster.

Sinabi ni Estomo na ang pagturing sa isang lalaki bilang person of interest ay ibinase sa resulta ng koleksyon ng lahat ng mga nakolektang CCTV footage na kanilang nai-backtrack gayundin ang mga dinaanan ni Lapid bago siya pagbabarilin at mapatay ng riding in tandem.

Kasabay nito ay sinabi rin ni Estomo na mula sa P500,000 pabuyang personal na manggagaling kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ay umakyat na ito sa tumataginting na P1.5 milyon para sa taong makapagbibigay ng impormasyon sa salarin.

Ipinangako rin ni Estomo na kanilang gagarantiyahan ang seguridad ng impormante na makatutulong sa pagresolba sa kaso ni Lapid.

Samantala, ipinakita ni Abalos ang pinalaking kopya ng printout ng litrato ng person of interest sa press briefing na sa kasalukuyan ay inaalam pa rin ng pulisya ang pagkakakilanlan nito.

Tiwala rin si Abalos na sa paglobo ng ipagkakaloob na pabuya sa impormante at sa tulong ng mga karagdagang kuha ng CCTV ay agad na makikilala ang person of interest na tinutukoy ng pulisya.

“Marami nang nakakaalam sa iyo, marami nang magsusumbong. Siguro sumuko ka na.

Napakaimportante na sumuko ka na sapagkat pag-isipan mo, ‘yung mga nag-utos sa ‘yo baka may masamang gawin sa ‘yo,” ani Abalos.

Matatandaan na si Lapid ay naging host sa kanyang programang “Lapid Fire” sa istasyon ng radio na DWBL 1242 at huli siyang napakinggan at napanood sa live streaming ng social media noong Setyembre 30. MARIVIC FERNANDEZ