NCRPO NAKAANTABAY NA SA BAGYONG BETTY

NAGPAHAYAG na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng nakahanda na ang kanilang puwersa sa nakaambang sa pagdating sa bansa ng super typhoon na may international name na “Mawar” na kikilalaning “Betty” pagpasok nito sa Philippine area of responsibility.

Agad na ipinag-utos ni NCRPO Regional Director, MGen Edgar Alan Okubo, ang pagsasagawa ng inspeksyon at imbentaryo sa mga rescue vehicles at iba pang kagamitang pansagip-buhay ng NCRPO.

Kaugnay nito, magtatalaga ang NCRPO ng inisyal na 710 na pulis na may kaalaman at pagsasanay ukol sa search and rescue operations upang tumugon anu mang oras kung sakaling kailanganin na magsagawa ng mabilisang aksiyon o pagtulong sa ating mga kababayan na maaaring maapektuhan ng nasabing bagyo.

Maglalaan din ng 100 pulis na aantabay sa punong himpilan ng NCRPO upang maging bahagi ng Reactionary Standby Support Force na magsisilbing karagdagang pwersa kung kakailanganin at handang umaksyon saan mang panig ng Metro Manila.

Kabilang din sa paghahanda ay ang pagkalap ng mga food packs, gamot, at tubig na siya namang ipamimigay sa mga residente at mga pamilyang posibleng lumikas mula sa kanilang mga tahanan upang pansamantalang manatili sa evacuation centers.

Bagaman tinatayang may malaking tyansa na hindi direktang tatama sa Kamaynilaan ang naturang bagyo, inaasahan pa rin ang posibilidad ng malakas na pagbuhos ng ulan na maaaring magdulot ng matinding pagbaha.

“Hindi pa man po natin nararamdaman ang epekto ng bagyo sa ngayon ay nananawagan na tayo sa ating mga kababayan na manatiling nakaalerto at paghandaan ang paparating na bagyo, lalo na sa mga naninirahan malapit sa mga ilog, sapa, at mabababang lugar na karaniwang inaabot ng pagbaha. Ngayon pa lamang ay magsinop na tayo ng ating mga gamit, mag-imbak ng pagkain, at maghanda ng mga emergency “Go” bags. Makakaasa ang ating mga kababayan na nakahanda ang inyong kapulisan upang rumesponde at tumulong sa oras ng inyong pangangailangan.

Gayunpaman, mas makakabuti na maging handa at maagap tayo para makatiyak sa kaligtasan ninyo at ng inyong mga kapamilya,” pagtatapos ni Okubo. EVELYN GARCIA