HALOS dalawang linggo bago ang kapistahan ng Itim na Poong Nazareno sa Quiapo, Manila ay pinaghahandaan na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang gaganaping Traslacion sa Enero 9.
Nagsimula nang magsagawa ng security briefing ang NCRPO kamakalawa sa pangunguna ni Police Director Guillermo Eleazar kasama si Manila Police District (MPD) Director Senior Superintendent Vicente Danao.
Maglalatag ng mahigpit na seguridad ang NCRPO sa mga lugar na daraanan ng prusisyon na dinarayo ng milyon-milyong deboto taon-taon.
Magtatalaga ng sapat na bilang ng mga pulis at kagamitan sa lahat ng lugar na daraanan ng Traslacion upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.
Una nang sinabi ni Alex Iraga, head ng Traslacion working committee na kaparehong ruta ang dadaanan ng prusisyon.
Sa obserbasyon ng working commitee ay mas ligtas at mas mabilis ang usad ng prusisyon sa sinunod nilang ruta noong Enero. PAULA ANTOLIN
Comments are closed.