NCSC, LAGDA NA LANG NI PRRD ANG KAILANGAN

Senior Citizens-2

LAGDA na lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kailangan para maitatag ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) upang mapalawak ang partisipasyon ng mga nakatatanda sa ating bansa.

Buong pagkakaisang ipinasa ng mga miyembro ng Kamara ng mga Representante ang House Bill No. 8837 na naglalayong itatag ang NSCC na kaagad namang ina­prubahan ito ng Senado bilang Senate Bill No. 2159 sa botong 12 nang walang kumontra o nag-abstain.

Iniakda ni Senior Citizens Partylist Rep. Francisco Datol Jr., ang HB 8837 na nag-aamyenda sa Republic Act (RA) 9257 o Expanded Senior Citizens Act of 2003 at RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 upang itatag ang NCSC para sa epektibong implementasyon at monitoring ng umiiral na RA 7432 para mapag-ibayo ang paglahok ng senior citizens sa pamamahala sa gobyerno.

Ipinaliwanag ni Datol  na hindi na isasalang sa bicameral conference committee meeting ang panukala makaraang ini-adopt ng Senado ang bersiyon ng Kamara.

Ani Datol: “This bill is fitting early Valentine\s day offering to our beloved seniors because the NSCC will become the strong national implementation and coordination body linking all the senior citizens’ affairs offices of local governments nationwide.”

Alinsunod sa panukala, mula sa pagmamando ng mga alkalde ay isasai­lalim na sa NCSC ang pangangasiwa ng Office of Senior Citizens Affairs o OSCA.

Ani Datol: “Natupad na rin sa wakas ang matagal ko nang pangarap na magkaroon ng isang ahensiya na kakalinga sa mga nakatatanda upang magkaroon ng mga mekanismo para mapalaki ang kontribusyon ng senior citizens sa ating bansa”.

“Kailangan ding magkaroon ng katiyakan na matutulungan sila at kikilalanin ng komunidad ang kanilang papel sa kabuuan,” dagdag ni Datol. “Mahalaga ring magkaroon ng mga programa na kapaki-pakinabang sa mga nakatatanda at sa kanilang pamilya at sa komunidad na kanilang ginagalawan.”