DAHIL sa pagtaas ng kaso ng cybercrime sa bansa, itatayo ng Departmet of Interior and Local Government (DILG) ang National Cybercrime Training Institute (NCTI).
Ito naman ang sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos kung saan ipatutupad ito sa ilalim ng Public Safety College.
Ayon kay Abalos, dahil sa pagdami ng ganitong uri ng kaso kinakailangan nang magsanay ng mga tao na tututok sa naturang krimen.
Sa teknolohiya ngayon, posible ang pagdami pa ng mga mabibiktima sa online.
Aniya, masyadong teknikal at specialized ang paghawak ng cybercrime kung kaya’t dapat na itong palakasin ng pamahalaan.
Tiniyak ni Abalos na malaking tulong ito sa PNP-Anti Cybercrime Group dahil mas magiging systematic at maparaan ang mga pulis na hahawak ng kaso.
Nakatakdang pirmahan ng DILG chief ang kautusan sa pagtatatag ng NCTI sa susunod na linggo. EVELYN GARCIA