NAKA-MONITOR na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa papasok ng tropical typhoon na tinawag na Bagyong Tisoy na posibleng makaapekto sa gaganaping 30th Southeast Asia Games sa bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nakahanda na sila sa pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games ngayong araw sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Gayundin, sa ginanap na pagpupulong ng mga ahensiya ng pamahalaan na kasapi ng NDRRMC, napag-alamang plantsado na ang mga ipatutupad na mga paghahanda para sa emergency and response sa opening ceremony ngayong araw.
Sinabi pa ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal, all systems go na ang kanilang ahensiya para matiyak ang kaligtasan ng mga atleta, coaches gayundin ng mga dadalong delegado at spectators sa iba’t ibang sporting events.
Umaasa ang opisyal na magiging mapayapa at maayos ang pagdaraos ng SEA Games sa Filipinas nang walang naitatalang anumang trahedya sa panahon ng nasabing okasyon.
Ito ay kasunod ng ulat na posibleng ulanin ang paligsahan ng mga atleta at maaring maapektuhan ang lugar na pagdarausan partikular ang out-door games.
Pinangangambahang sakaling lumakas pa at manalasa ang Typhoon Tisoy ay maaaring ma-reschedule ang ilang outdoor events ng 30th SEA Games
Batay sa ulat, inaasahang papasok sa bansa ang Bagyong Tisoy sa Sabado ng gabi at Linggo ng umaga.
Ayon sa PAGASA, sa Lunes, Disyembre 2, lalapit ang bagyo at magpapaulan sa Bicol Region. Sa Martes, Disyembre 3, posibleng tumama sa kalupaan ng Aurora Area o Bicol Region.
Ayon sa PAGASA, sa Martes at Miyerkoles ang ituturing na kritikal dahil babaybayin nito ang Southern Tagalog at posibleng maapektuhan ng malakas na pag-ulan ang Central Luzon at Metro Manila.
Sa press briefing, sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) President at Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na posibleng babaguhin ang ilang schedule na maaapektuhan ng bagyo. VERLIN RUIZ