INIREKOMENDA ni Senador Imee Marcos na i-upgrade ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may mas pinalakas na kapangyarihan sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo at may karapat-dapat na badyet, kaysa magtayo ng isang “full-scale” o malaking departamento.
Una nang inihain ng senador ang Senate Bill 1125, para sa pagbuo ng National Resilience and Disaster Management Authority noong Oktubre 2019, noong 18th Congress, at muli niyang inihain ang Senate Bill 186 ngayong Hulyo sa pagpasok ng 19th Congress.
“Kilos na at move-on na tayo sa magulong disaster response para sa buong-taong katatagan,” giit ni Marcos.
Tinalakay ang panukala ni Marcos sa pulong na pinangunahan ng kapatid niyang si Pangulong Bongbong Marcos sa mga pambansa at mga lokal na opisyal sa Abra.
“Kailangang agaran nang palakasin ang NDRRMC, dahil hanggang ngayon obligado pa ring pumunta ang Pangulo, DSWD Secretary, NDRRMC, AFP, DPWH at PHIVOLCS sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad para lamang isaayos ang pagbibigay ng ayuda at pagkukumpuni ng mga nasirang istruktura,” ayon sa senador.
“Pwedeng i-angat ang NDRRMC sa kasalukuyan nitong tungkulin bilang isang konseho tungo sa mas malaking ahensya, kaysa bumuo ng bagong departamento na mangangailangan ng malaking badyet na pampasweldo sa tipikal na tig-li-limang mga undersecretary at sandamakmak na mga assistant secretary,” paliwanag ni Marcos.
Dagdag ng senador, kapag na-upgrade ang ahensya, may kapangyarihan na itong magmando sa mga kaukulang departamento, government-owned and controlled corporations at mga lokal na pamahalaan, kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), na magbibigay ng kagyat na responde sa panahon ng mga disaster o mga kalamidad, armed conflict at iba pang mga man-made hazards o mga sakunang kagagawan ng mga tao.
Binigyang diin ni Marcos na bumabagal ang pagkilos at pagresponde sa mga kalamidad dahil sa dami ng pinagdaraanang ahensya ng gobyerno at dami ng mga nagbababa ng kautusan mula sa PNP at mga sangay ng AFP, na kadalasang nag-oobliga pa sa Pangulo ng bansa na personal na atasan at pakilusin ang mga departamentong nasa frontline.
Tinukoy ni Senador Marcos na nagsimula ang Department of Budget and Management bilang isa lang opisina, at kalauna’y naging isa nang Komisyon sa panahon ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ilang taon ang nakalipas, lumaki ang mga responsibilidad nito at dumami ang mga tauhan na binigyan ng mga matitinding pagsasanay, hanggang sa maging isa itong ganap na departamento. VICKY CERVALES