NDRRMC NAG-SORRY SA MAKUPAD NA OPERASYON

ndrrmc

PAMPANGA – DAHIL sa pag-iwas na maka­damay pa, inamin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na natatagalan ang paghuhukay ng mga miyembro ng search, rescue and retrieval (SRR) team sa gumuhong Chuzon supermarket sa Porac, Pampanga dahil sa magnitude 6.1 na lindol noong Abril 22.

Sinabi ni NDRRMC spokesman Edgar Posadas na nag-iingat lamang at  sistematiko umano ang galaw ng mga miyembro ng SRR teams upang masiguro na walang bahagi ng gumuhong gusali ang malalagpasan nila kung saan posibleng mayroon silang mahukay na natabunan nito.

Idinagdag pa ni Posadas na hindi rin umano simpleng mga rescuer ang naghuhukay sa nasabing lugar kundi mayroon silang mga dinaluhang trainings at seminar hinggil sa tamang pagrescue sa mga sitwasyong kagaya sa Porac, Pampanga.

Samantala, ikinatuwa rin ng tagapagsalita ng NDRRMC ang pagtutulungan ng mga rescuers na galing sa hanay ng pamahalaan at sa pribadong sektor na nagpapakita umano ng tunay na bayanihan tuwing may sakunang nararanasan ang bansa.

Ilan umano sa mga pribadong sektor na kasama sa pagrescue sa mga pito pang katao na nawawala ay mga telecommunications company, pati na ang Manila Electric Company. EUNICE C.

Comments are closed.