MULING nagbabala ang National Disaster Risk Reduction Management Council ( NDRRMC) sa publiko ngayon ganap na isang Severe Tropical Storm ang Bagyong Karding at kasalukuyan itong nagdadala ng pag-uulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa NDRRMC , nagbabanta ito nang posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Pinag-iingat at inaabisuhan ang lahat na makinig at sumunod sa payong pangkaligtasan ng mga awtoridad lalo na samga lugar na tinatahak ng bagyo.
Kagabi at hanggang ngayong umaga ng Linggo makararanas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, hilagang bahagi ng Aurora, Catanduanes, Camarines Norte, at Camarines Sur.
Ngayong weekend hanggang bukas Lunes ng umaga ay makararanas ng malakas hanggang matinding pag-uulan at kung minsan ay napaka tinding buhos ng ulan sa bahaging timog ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, at hilagang bahagi ng Zambales.
Katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding pag-ulan sa nalalabing bahagi ng Gitnang Luzon.
Katamtaman hanggang malakas na pag-uulan naman sa Cagayan, Ilocos Provinces, CALABARZON, damay ang Metro Manila, at nalalabing bahagi ng Isabela at Cordillera Administrative Region.
Namataan ang bagyo sa layong 660 kilometro Silangan Timog-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 595 km Silangan ng Casiguran, Aurora.
Nagsagawa na ng mga pagpupulong ang NDRRMC katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at Regional DRRMCs kaugnay ng paghahanda sa bagyo. VERLIN RUIZ