NDRRMC NAKAALERTO SA PAGPUTOK NG BULKANG BULUSAN

NAGLABAS ng direktiba ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Bicol Regional DRRM Council (RDRRMC) kaugnay ng mga pag­hahanda matapos ang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan kahapon ng umaga.

Sa inilabas na me­morandum order, pinaalalahanan ang Bicol RDRRMC sa ipinagbabawal na pagpasok sa apat na kilometro na radius Permanent Danger Zone o PDZ gayundin ang pagbabantay sa dalawang kilometrong extended danger zone dahil sa banta ng muli pang pagputok ng bulkan.

Inabisuhan din ang mga ahensya sa Bicol region na tiyakin na ang mga abiso mula sa mga awtoridad ay naiparating ng mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar para sa pagsasagawa ng mga karampatang paghahanda gaya ng pagsunod sa posibleng evacuation, proteksyon laban sa ashfall, at iba pang mga pag-iingat.

Samantala, nagpapatuloy ang koordinasyon ng Office of Civil Defense, NDRRMC, Bicol RDRRMC, at ng Philippine Institute of Volca­nology and Seismology hinggil sa sitwasyon at mga kaganapan kaugnay ng Bulkang Bulusan.

Tuloy-tuloy rin ang paglalabas ng abiso, emergency text alerts at mga paalala para sa kaligtasan ng mga apektadong residente sa Sorsogon. Patuloy din ang pagbabantay ng NDRRMC Operations Center.
Sa kasalukuyan ay nakataas na sa Alert Le­vel 1 (low level unrest) ang Bulkang Bulusan. VERLIN RUIZ

PHREATIC EXPLOSION BAKA MASUNDAN PA

INIHAYAG ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagkakaroon ng phreatic eruption sa Bulusan Volcano sa Sorsogon.

Sa inisyal na ulat may apat na barangay ang sinasabing naapektuhan sa Irosin, Sorsogon dahil sa ashfall.

Apektadong barangay ang Cogon, Bolos, Gulang-Gulang at Tinampo kung saan nasa 800 na pamilya ang bahagyang naapektuhan nang mag-alburoto ang bulkan Bulusan subalit hindi naman kailangan ilikas.

Ayon sa NDRRMC may naitalang 66 na pamilya ang naninirahan malapit sa 4 kilo­meter permanent danger at subalit hindi pa naman sila inabisuhan na umalis bagaman nakahanda ang lokal na pamahalaan sakaling kailanganin silang ilikas.

“This is to notify the public and concerned authorities of an ongoing phreatic eruption at Bulusan Volcano,” batay sa tweet ng Phivolcs.

Ayon kay ni Phivolcs Director Renato Solidum na nagtagal ng 16 minutes ang pag-aalburuto ng bulkan na maaari pang masundan.

Sinabi pa ng Phivolcs, ang phreatic eruption ay isang “steam-driven explosions that occur when water beneath the ground or on the surface is directly heated by hot rocks or new volcanic deposits or indirectly by magma or magmatic gas.”

Ani National Di­saster Risk Reduction and Management Council spokesperson Mark Timbal na mayroong naiulat na insidente ng ash fall sa Brgy Cogon sa Irosin.

“Ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Irosin ay naghahanda ng mga evacuation centers,” anito.

Sinabi ng NDRRMC na nakikipag-ugnayan sila sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council of Bicol hinggil sa pagputok ng bulkan.

Patuloy naman na pinag-iingat ng eksperto ang publiko lalo na sa mga lugar na nakaligid sa bulkan dahil inaasahan na ang posibilidad na muling pagsabog nito. Maging ang mga airlines companies ay pinayuhan na huwag lumipad sa ibabaw ng bunganga ng bulkan dahil peligroso ito sa kanilang mga makina sakaling biglang pumutok. EVELYN GARCIA