BUKOD sa lalawigan ng Quezon na daraanan ng bagyong Ramon ay nakatutok ang National Disaster Risk Reduction Management Council sa probinsiya ng Cagayan at Isabela dahil sa bagyong Ramon (international name: Kalmaegi).
Inalerto na rin ng NDRRMC ang mga local na tangapan ng Office of Civil Defense sa paglilikas ng mga apektadong residente at posibleng pag-lulunsad ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief operation sa inaasahang paglandfall ng Bagyong Ramon sa Northern Luzon, partikular na sa Isabela.
Ayon kay NDRRMC-Office of the Civil Defense spokesman Dir. Mark Timbal na bukod sa kanilang opisina, nakahanda na rin ang lahat ng mga national agencies na katuwang nila sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga panahon ng kalamidad.
Aniya, nakaantabay ang kanilang opisina sa mga tulong at suporta na hihingin ng kanilang mga local counterpart sa oras na labis ang epektong maramdaman nila sa pananalasa ng nasabing bagyo.
Pinayuhan naman ni Timbal ang publiko, lalo na ang mga naninirahan sa Cagayan at Isabela na maging alerto at kaagad na mag-evacuate kung kinakailangan, lalo na sa mga lugar na kabilang sa mga flashflood at landslide prone areas.
Nanatiling nakataas kahapon sa ang signal no. 2 sa Catanduanes. Nasa ilalim naman ng signal no. 1 ang silangang bahagi ng Isabela, kabilang ang Divilacan, Palanan at Dinapigue; Northern Aurora, kabilang ang Dilasag, Casiguran at Dinalungan; at Polillo Island; Camarines Norte; Camarines Sur; at Albay.
Ang bagyong Ramon ay may lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometers per hour (kph), pagbugsong 80 kph, at kumikilos patungong north northwest sa bilis na 15 kph.
Sa forecast ng weather bureau Pagasa, tinatayang tatama ito sa Isabela o Cagayan sa Linggo ng hapon at babaybayin ang northern Luzon buong hapon at gabi sa parehong araw.
Lalabas naman ito ng West Philippine Sea sa Lunes. VERLIN RUIZ
Comments are closed.