(NDRRMC, OCD naka-heightened alert) BULKAN KANLAON INILAGAY SA ALERT LEVEL 2

PINANGANGAMBAHANG masundan pa ng karagdagang mga pagsabog sa Bulkang Kanlaon na matatagpuan sa Negros island matapos ang pag-alburuto nitong Lunes kaya nagtaas ng antas ng alerto ang National Disaster Risk Reduction Management Council at Office of Civil Defense.

Inalerto ng NDRRMC at OCD ang kanilang local offices at mga nakakabit na ahensiya sa Region 6 at Region 7 kasunod ng ginawang pagtaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng volcano alert sa Mt Kanlaon mula sa Alert Level 1 sa Alert level 2.

Inaasahan din ng ahensiya ang karagdagang explosive eruptions kabilang ang mapanganib na magmatic eruption.

“This means that there is current unrest driven by shallow magmatic processes that could eventually lead to further explosive eruptions or even precede hazardous magmatic eruptions,” anang Phivolcs.

Nabatid na nagpatupad ng mandatory evacuation ang Canlaon City, Negros Oriental government kahapon ng umaga sa mga residenteng naninirahan malapit mga ilog sa dalisdis ng Kanlaon Volcano.

“The rivers downstream from the volcano are at risk of flash floods, mudflows, and other hazards due to volcanic ash deposition and potential lahars,” ayon sa inilabas na Executive Order No. 36 ng Canlaon City.

Naitala rin ang phreatic o steam-driven eruption sa summit ng Kanlaon dakong ala- 6:51 ng gabi nitong Lunes na nagtagal ng 6 na minuto at nagbuga ng 5,000 metro na taas ng ibinuga nitong makapal na usok.

Nakatanggap din ang bureau ng mga ulat ng ashfall at sulfurous odors sa lugar na nasa western slopes ng bulkan.

Kaugnay nito, sa ilalim ng alert level 2 pinapayuhan ang publiko na iwasan ang four kilometer-radius Permanent Danger Zone sa paligid ng Kanlaon.

“This action is essential to safeguard the lives and well-being of residents and visitors alike and at the same time, all access roads leading to these sites shall be closed, and entry by any means shall be strictly prohibited until further notice,” ayon sa lokal na pamahalaan.

Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng mga sasakyang himpapawid malapit sa summit ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagsabog.

Nabatid na 32 biyahe ang nakansela kahapon partikular ang mga biyahe papunta at paalis ng Bacolod City.
VERLIN RUIZ