(NDRRMC, OCD nakaalerto) BANTA NG TYPHOON GARDO AT HENRY BINABANTAYAN

NAKATUTOK ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa bantang pananalasa ng Bagyong Gardo na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at ang pumapasok na Super Typhoon Henry na may international name Hinnamnor.

Pinangangambahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magsanib-puwersa ang super typhoon Hinnamnor at tropical depression Gardo nakatakdang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) anumang araw.

Base sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA kahapon ng umaga ay namataan si Gardo sa layong 1,125 km east ng extreme northern Luzon na may maximum sustained winds ng 55 kph malapit sa gitna na may 70 kph pagbugso .

Ayon kay NDRRMC Spokesperson at Office of Civil Defense Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Bernardo Rafaelito IV, naka-standby na ang kanilang mga tauhan.

Tuloy-tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa PAGASA at maging ng Office of Civil Defense sa para sa update sa lagay ng panahon.

Sinasabing base sa pagtataya ng PAGASA ay maaaring hindi magla-landfall ang Bagyong Gardo, pero posibleng higupin ito ng Super Typhoon Henry na magdadala ng mga malalakas na pag-ulan.

Samantala, lalo pang lumakas ang super typhoon Hinnamnor na papalapit sa Philippine territory. May lakas itong 195 kph habang may pagbugsong 240 kph.

Namataan ito sa layong 1,170 km sa silangan hilagang silangan ng extreme Northern Luzon.

Nabatid na pinakikilos na ng OCD-Cordillera ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMC) sa rehiyon na maghanda ng mga evacuation center.

Pinatitiyak ni Edgardo Ollet, Officer-in-Charge ng OCD-Cordillera na mayroong mga lugar na paglilikasan ang mga maapektuhang indibidwal.

Samantala , nagsasagawa na rin ng paghahanda ang Department of Social Workers and Development (DSWD) sa magiging epekto ng 2 bagyo sa bahagi ng hilagang Luzon.

Ayon kay DSWD Asec. Romel Lopez, nagpulong sila kahapon upang talakayin ang lahat ng paghahanda kabilang na ang pagpapadala ng tulong sa posibleng maapektuhan ng sama ng panahon

Mayroong nakalaan na P1.7 bilyong piso na standby fund upang tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan.

Nakahanda na rin ang mga family food packs upang mabilis na makapag-abot ng tulong.
VERLIN RUIZ