NAGBABALA kahapon ang PAGASA sa mga posibleng pagbaha na mararanasan dahil sa patuloy na pagtaas ng water level sa Magat at Angat Dam dala ng dalawang low pressure areas na nagdudulot ng mga pag ulan at posibleng maging ganap na tropical storm.
Kasabay nito, nag release ng tubig ang Magat Dam bilang paghahanda sa posibleng epekto ng nararanasang mga pag ulan dulot ng 2 low pressure areas na pinatitindi pa ng umiiral na Northeast monsoon o Amihan.
Nabatid na binuksan ng Magat Dam operators ng may isang metro ang isang gate ng dam bandang alas-9:00 kahapon ng umaga
Ayon sa PAGASA, posibleng maapektuhan ng pagpapakawala ng tubig ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, at Gamu.
Ayon sa PAGASA Hydrometeorology Division, ang channels ng Cagayan River ay nasa “above alert level” na maaaring maging sanhi ng flashfloods dahil sa laki ng water volume na naiipon.
“The whole stretch of the Cagayan River including major tributaries is likely to rise in the next 12 hours,” ayon sa PAGASA .
Kaugnay nito, nagpalabas din ng babala ang National Disaster Risk Reduction Managament Council ( NDRRMC) hinggil sa mga inaasahang pag-ulan at pagbaha.
Pinaalalahanan nito ang publiko na maghanda sa posibleng flash flooding at landslides dulot ng dalawang low-pressure areas (LPAs) na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility at Amihan na nakaka apekto sa Northern Luzon.
Bandang alas 9:00 ng umaga kahapon ay namataan ang unang LPA may 140 km west northwest ng Puerto Princesa City, Palawan habang ang ikalawang ay namataan 35km northeast ng Daet, Camarines Norte.
Nagsimulang ulanin ng malakas ang Eastern Visayas, Bicol Region, Quezon, Aurora, Bulacan, Rizal, Mindoro provinces, Marinduque, Romblon, Dinagat Islands, Calamian Islands, at Kalayaan Islands habang light to moderate na paminsan minsan ay malakas na pag-ulan ang nararanasan sa mainland Cagayan Valley, Metro Manila, at nalalabing bahagi ng Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, at nalalabing bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Caraga.
Kaugnay nito, nagpalabas na rin ng flood precaution ang operator ng Angat Dam. VERLIN RUIZ
Comments are closed.