Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na maaaring makuha ang flesh-eating disease na ‘necrotizing fasciitis’ sa loob ng mga lugar na madaling mabuhay ang mga bacteria, tulad ng mga bilangguan.
Paliwanag ni Health Undersecretary Eric Domingo, ang necrotizing fasciitis ay nagmumula sa isang simpleng sugat lamang na na-infect ng napakaagresibong bacteria, at ang pinaka-common dito ay ang streptococcus.
Aniya, kapag dinapuan ng impeksiyon ang sugat ay unti-unti nitong kakainin at papatayin ang tissue ng pasyente.
Very progressive at mabilis aniyang kumalat ang ganitong impeksiyon at ilang araw lang ay maaaring makaapekto sa malaking bahagi ng katawan, kaya’t nagmimistulang naaagnas ang laman ng pasyente.
Nilinaw naman ni Domingo na hindi ito basta-basta nakahahawa at nakukuha kung madidikit o mahihipo ang isang taong mayroong ganitong sakit, ngunit madali itong makahawa, kung may sugat ka at madidikit ito sa infected na sugat ng pasyente.
Madali aniyang mabuhay ang bacteria sa isang lugar na ‘di hygienic, kulob, mainit, at mamasa-masa.
“‘Pag ang condition natin ay hindi hygienic lalo na kung congested area, kulob, mainit tapos ‘yung moist, siyempre riyan nabubuhay ‘yung bacteria, so kapag may sugat maaari natin [ito] makuha,” ani Domingo.
Payo naman ni Domingo, makaiiwas sa ganitong sakit kung pananatilihing malinis ang lugar, at kinakailangan ding madalas maligo at nakapagsasabon araw-araw.
Ilan sa mga sintomas ng necrotizing fasciitis ay ang sugat na nagnanana, namumula, mainit sa pakiramdam at mabilis ang pagkalat.
Kinakailangan aniyang operahan ang ganitong klase ng sugat upang maalis ang mga infected na laman, at ang matitira na lamang ay ang healthy tissues.
Antibiotic ang ginagamit na panggamot sa naturang sakit, na kinakailangang idaan sa suwero upang direktang mapunta sa ugat ng pasyente at mas mabilis na umepekto.
Kinakailangan rin aniyang matukoy kung anong klaseng bacteria ang dumapo sa sugat upang malaman kung ano ang akmang antibiotic para dito.
Mabilis naman aniyang gamutin ang sugat, depende sa severity o kung gaano ito kalala.
Aminado naman si Domingo na posibleng maging mahal ang lunas sa sakit, depende kung ang bacteria na dumapo ay resistant sa antibiotic, dahil kinakailangang mamahaling antibiotic ang gamitin upang malunasan ito.
Madalas aniyang tamaan ng naturang sakit ang mga nakatatanda na hindi na masyadong nakalalakad, at hindi nagsi-circulate ang dugo, at pati iyong mga nakatira o nananatili sa mga maiinit at maruruming lugar.
Nitong Hulyo 8 nga ay naiulat ang isang preso ng Manila City Jail (MCJ) na namatay dahil sa naturang sakit.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Domingo ang mga namamahala sa mga bilangguan na kumonsulta sa mga city health office at DOH, upang mabigyan sila ng payo kung paano mas mapagaganda ang hygiene and health conditions ng mga preso. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.