INAMIN na umano ng Sanofi Pasteur noon pang 2015 ang tungkol sa negatibong epekto ng Dengvaxia.
Ang umano’y pag-aming ito ng Sanofi ay sa pamamagitan ng kanilang tugon sa hinihinging paglilinaw ng panel ng National Formulary noong Disyembre 2015 ay kasama sa mga isinumiteng ebidensya ng Public Attorney’s Office (PAO) sa reklamong kriminal na kanilang inihain sa Department of Justice.
Sa tugon ng Sanofi, tinukoy nito na mayroong apat na panganib na kaakibat ang Dengvaxia vaccine at kasama na rito ang mas malalang sakit na dengue sa simula ng pagbakuna at ang paghina ng proteksiyon laban sa dengue sa katagalan.
Pero ayon kay PAO Chief Attorney Acosta, sa kabila ng pag-aming ito ay itinuloy pa rin ng Department of Health (DOH) ang pagbili sa bakuna na itinurok sa mahigit 800 libong kabataan.
Ang PAO ang tumatayong abogado ng siyam na pamilya na namatayan ng anak na nabakunahan ng Dengvaxia at naghain ng reklamo sa DOJ.
Sa preliminary investigation kahapon ay hindi nakadalo ang mga respondent na kinabibilangan nina dating Health Secretary Janet Garin at kasalukuyang DOH Secretary Francisco Duque na kinatawan lamang ng mga abogado.
Sila ay nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, torture resulting in the death of any person, at torture committed against children na paglabag sa Republic Act 9745.
Sa pagdinig ay binigyan ang kampo ng mga respondent ng kopya ng ikapito, ikawalo at ikasiyam na reklamong kriminal na may kinalaman sa Dengvaxia.
Itinakda naman ng panel of prosecutors na pinangungunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Emilia Victorio ang pagsusumite ng counter affidavit sa Hunyo 25, 2018. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.